
Basura sa Maynila hinahakot para iwas sunog
TULOY ang paghahakot ng mga tauhan ng Manila Department of Public Service (DPS) ng mga basura sa mga lansangan sa iba’t ibang lugar sa Maynila.
Ipinakalat ni DPS head Kyle Nicole Amurao ang kanyang mga tauhan matapos ang direktiba ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan na hindi lamang dapat mapanatiling malinis at maaliwalas ang bawa’t paligid sa lungsod kundi dapat ligtas din sa anumang panganib na idudulot ng maruming kapaligiran.
Bukod dito, delikado rin ang mga iniiwang mga bulok na gamit sa lansangan tulad ng mga inaanay ng kahoy, tuyong mga basahan at iba pang madaling magliyab sa oras na mahagisan ng nakasinding sigarilyo.
Sinusuyod maging ang mga eskinita sa mga maliliit na lansangan ng mga tauhan ng DPS para hakutin ang mga basura at gamit na iniiwang nakahambalang sa gilid ng daa.
Pinamamadali na rin ni Amurao ang paghahakot sa mga madaling magliyab na gamit na iniiwan ng ilang iresponsableng residente sa gilid ng lansangan at eskinita.
Ayon kay Amurao, delikadong mabagsakan ng lumiliyab pang baga mula sa sinindihang kuwitis ang mga madaling magliyab na gamit kaya’t kinailangan nilang linisin ang paligid upang makaiwas na rin sa sunog.