BARMM

BARMM spox rumesbak sa gov na nanlait sa kakayahan ng mga Muslim na mamuno nang mapayapa

April 9, 2025 People's Tonight 173 views

“Umaasa kami na ang gobernador ay magiging katuwang sa dakilang pagsisikap na ito.”

MAHIGPIT na kinondena ng gobyerno ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang mga pahayag ni Misamis Oriental Governor Peter ‘Sr. Pedro’ Unabia na nagpapahiwatig na ang mga politikong Muslim na may kaugnayan sa Bangsamoro ay magiging problema kung sila ay mahalal.

Ang pahayag ay kasunod ng negatibong reaksiyon kay Unabia sa social media, kung saan tinawag ng mga tao mula sa iba’t ibang pananampalataya ang kanyang mga komento bilang “walang pakundangan” at “hindi nararapat.”

Ito ay nangyari matapos ipakita sa rally ng kampanya ni Unabia ang mga larawan ng mga pag- ambus at pag-atake na naganap sa BARMM, na nagsasaad na maaaring sapitin ng kanilang lalawigan ang parehong kapalaran kung ang isang politiko na may kaugnayan sa BARMM ay mahalal.

Bilang tugon, binigyang-diin ni BARMM Cabinet Secretary and Spokesperson Mohd Asnin K. Pendatun ang pangangailangan ng mas malalim na pag-unawa at bukas na diyalogo sa pagitan ng mga komunidad.

“The statement made by Misamis Oriental Gov. Peter ‘Sr. Pedro’ Unabia is uncalled for and reflects the need to engage in deeper mutual understanding and cultural sensitivity,” sabi ni Pendatun, na nakapost sa opisyal na website ng BARMM.

Ipinahayag din ni Pendatun ang pag-asa na matututo si Unabia mula sa kontrobersiya at maging aktibong katuwang sa pagtataguyod ng kapayapaan sa Mindanao.

Humingi na ng tawad si Unabia, at sinabing hindi niya sinadyang makasakit sa mga tao ng Maranao at iniuugnay ang negatibong reaksiyon sa mga katunggali sa politika.

Sa isang naunang panayam, ipinaliwanag ni Pendatun na kahit na natapos na ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kanilang armadong pakikibaka sa gobyerno, nananatiling mahirap ang landas tungo sa pangmatagalang kapayapaan dahil sa patuloy na mga alitan ng angkan sa loob ng ilang komunidad ng Muslim.

Binanggit ni Pendatun na habang ang BARMM ay nakakaramdam na ang kanilang mga pangangailangan ay tinutugunan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., lalo na sa pamamagitan ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr., may mga pressing issues pa ring kailangang resolbahin—partikular sa mga isyu ng seguridad at karahasan na may ksugnayan sa eleksiyon.

Binigyang-diin niya na marami pang trabaho ang kailangang gawin upang wakasan ang mga alitan ng angkan, na inaasahan niyang mababawasan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng gobyerno ng BARMM, ng Philippine National Police (PNP), at ng pambansang gobyerno.

Nakatakdang pangasiwaan ng BARMM Transition Authority ang dalawang eleksiyon sa 2025: ang national midterm elections at ang kauna-unahang parliamentary elections ng rehiyon.

AUTHOR PROFILE