Barbie1

Barbie, pagod na sumagot sa isyu ng pagseselos ni Jak kay David

September 1, 2023 Vinia Vivar 599 views

Napapagod na si Barbie Forteza sa kasasagot sa tanong kung nagseselos ba ang boyfriend niyang si Jak Roberto sa ka-loveteam niyang si David Licauco.

“Wala talaga. Sorry ha? Kasi, parang eversince nag-pick-up ang BarDa (loveteam nila ni David), sumikat ang BarDa, it has always been the question – kung nagseselos ba. Hindi nga!” natatawang sabi ni Barbie nang makatsikahan namin sa grand mediacon ng bago nilang serye ni David sa GMA-7 na “Maging Sino Ka Man.”

“So can we stop? Parang napapagod na ‘kong sumagot. Hindi ko na alam kung paano iibahin ‘yung wording, ‘di ba, para iba naman sa video na ‘to, iba naman sa video na ‘to. Kasi, parang laging ‘yun ‘yung tanong, eh, wala nga at all,” dagdag pa niya.

Kahit nga raw nasa taping siya, kapag tumatawag si Jak ay ina-assure lang nito kung nakakain na siya or kung hindi ba siya natutuyuan ng pawis.

“’Yung ganu’n. Mas ‘yung care. ‘Yung selos, wala talaga. Diyos ko, parehas kaming aktor. Alam na namin ‘yan,” she said.

Natanong din sa kanya ang hit na hit ngayon sa online na Anti-Selos University ni Jak at aniya, nagsimula lang ‘yun na ginawang meme at joke ng mga netizen.

“’Pagka magkasama kami, tapos nagti-TikTok siya, nanonood siya ng TikTok, ‘yun ‘yung laging lumalabas, ta’s tawang-tawa lang siya lagi.

“Tapos, nu’ng finally, naki-ride na siya du’n sa trend, pagod na pagod siya kasi sayaw siya nang sayaw, ‘di ba? Parang everytime tutugtog ‘yung kanta, super dance siya,” kwento ni Barbie.

At dahil dito ay sobrang na-appreciate ni Barbie ang maturity ng boyfriend na hindi man lang napikon sa mga meme at pangangantiyaw sa kanya ng mga netizen.

“Nakakatuwa lang kasi he took it lightly. Coming from kung saan galing talaga ‘yung context no’n. Kaya talagang makikita mo ‘yung maturity from Jak, kasi ganu’n niya tineyk ‘yung trend and hindi niya sineryoso.

“In fact, ginamit niya pa nga to promote his show, which I think is a very good strategy coming from him.

“So, ang saya lang kasi ang timely lang ng lahat,” sey ng Kapuso Primetime Princess.

Wala raw talagang kahit anong insecurity si Jak sa loveteam nila ni David at hindi rin naman niya binibigyan ng dahilan ang boyfriend para ma-insecure.

“I think, ‘yung insecurity naman kasi ng isang lalaki towards another guy na laging kasama nu’ng girl ay magre-reflect sa kung papaano ‘yung girl. How she is as a woman.

“And so kung hindi insecure si Jak, kumbaga, rest assured na wala ako namang ginagawa rin.

“So, alam mo ‘yun, it only speaks volume of how I am as a woman, how I treat my work, how serious I am with my work and kung hanggang saan lang ang work,” pahayag ni Barbie.

Samantala, ang “Maging Sino Ka Man” TV series ay remake ng hit movie nina Sharon Cuneta at Robin Padilla with the same title.

Ito ang 2nd teleserye ng BarDa matapos mag-click ang loveteam nila ni David called FiLay (na ngayon ay BarDa na) sa “Maria Clara at Ibarra.”

Parehong masayang-masaya ang BarDa dahil sa kanila ipinagkatiwala ng GMA-7 ang napakalaking proyektong ito. Sa trailer pa lang ay kitang-kita na nga na talagang maituturing ang “Maging Sino Ka Man” na isa sa biggest drama series ng network ngayong 2023.

Mula sa direksyon ni Enzo Williams, magsisimula na ito sa September 11, 8 p.m., sa GMA Telebabad and at 9:40 p.m. on GTV.

Kasama rin dito sina Juancho Trivino, Faith da Silva, Mikoy Morales, Rain Matienzo, ER Ejercito, Jeric Raval, Jean Saburit, Juan Rodrigo, Antonio Aquitania at Jean Garcia.

AUTHOR PROFILE