Default Thumbnail

Barangay officials, tututukan ni PBBM kung tutupad sa kalinisan ng paligid

January 10, 2024 Edd Reyes 410 views

Edd ReyesKAILANGAN na ang seryosong pagtutok ng mga opisyal ng barangay sa paglilinis sa kanilang nasasakupang lugar dahil mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang naka-monitor sa programang Kalinisan sa Bagong Pilipinas na inilunsad nito lang araw ng Sabado.

Alam kasing ni Pangulong BBM na karamihan sa mga barangay officials sa buong bansa ay ningas-kugon lang ang kilos at mahusay lang tumalima sa umpisa pero sa kalaunan ay nagiging pabaya na.

Halimbawa na rito ang ipinakitang sipag, hindi lamang ng mga opisyal ng barangay, kundi maging ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa ang paglilinis ng kanilang mga lansangan nang iutos ito noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos makita ang resulta sa ginawang paglilinis ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng sagabal sa mga lansangan sa Maynila, partikular sa area ng Divisoria na deka-dekada ng hindi madaanan ng maayos ng mga sasakyan dahil sa dami ng mga sagabal.

Pero sa umpisa lang ito nangyari dahil hindi naman ito natutukan ng husto ng dating Pangulo kaya balik ulit sa dating gawi ang maraming lansangan na marumi na ay masikip pa.

Kaya nang tiyakin ni PBBM na imo-monitor niya ang pagsisikap ng mga barangay para mapanatili ang kalinisan, malamang na mapanatiling malinis ang kapaligiran hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino.

Nasiyahan kasi ang Pangulong BBM nang ipabatid ni DILG Secretary Benhur Abalos na umabot sa mahigit 5.1 kilos kaagad ng basura ang nakolekta mula sa mga lansangan, daluyan ng tubig, palengke, paaralan at mga parke kaya bibigyan niya ng pagkilala ang mga barangay na mapapanatili ang kalinisan sa kanilang nasasakupan.

Yung mga opisyal ng barangay na hindi tatalima sa direktiba ng Pangulo, malamang na mawalan na ng tiwala sa inyo ang mamamayan na inyong nasasakupan.

Paghuhukay ng tunnel sa mga peryahan, hindi na dapat maulit

MULA ng mangyari ang panloloob ng mga kawatan sa loob ng malaking mall sa Ozamiz City sa Misamis Occidental, palagi na palang iniikutan ng kapulisan ang mga mini carnival sa nasasakupang lugar dahil baka sa kanilang lugar naman ito maulit

Sa isang peryahan kasi nagsimulang maghukay ng tunnel patungo sa food court area ng malaking mall ang mga kawatan na nakapagtangay ng mahigit P41-milyong halaga ng alahas at salapi matapos pumasok muna bilang trabahador ng mini carnival ang tatlo sa mga suspek.

Pero kahit tagumpay ang ginawang panloloob, bigo pa rin sa kalaunan dahil kalaunan ay isa-isa rin silang nadakip ng pulisya habang tinutugis na ang mag-asawang itinuturong mastermind.

Sa mga lalawigan na kasi tulad sa Laguna at Batangas nagtayo ng mini-carnival ang maraming operator bunga ng mahigpit na pagtalima ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. sa one-strike policy ni PNP Chief General Benjamin Acorda, Jr. lalu na’t may mga illegal na sugal na isinisingit sa mga peryahan.

Sa Laguna nga lang, sa halip na mabawasan ang mga mini carnival sa mga bayan-bayan, nadagdagan pa ng maglagay sina alyas Judith, Ato, Ochok at Tessie sa Brgy. Sto Tomas sa Binan, Brgy. Banlic sa Cabuyao, sa bayan ng Famy at sa bayan ng Pagsanjan.

Kaya bukod sa mga dating puwesto nina alyas Arman, Jervie, Taguro at Jonjon sa bayan ng Mabitac, Brgy. Wawa a Paete, Brgy Bobocal sa Sta Cruz, Brgy. Masapang sa Victoria, sa Poblacion ng Cabuyao at sa Sta Rosa, nadagdagan ang babantayan ng mga tauhan ni Laguna Provincial Director P/Col. Harold Depositar dahil baka may maghukay muli ng tunnel sa peryahan patungo sa malalaking establisimiento para mangulimbat.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE