Default Thumbnail

BAR GIRL BINIGTI?

April 6, 2024 Edd Reyes 152 views

PINATAY sa bigti ng hinihinalang ka-relasyon ang 27-anyos na bar girl Sabado ng umaga sa Makati City.

Nadiskubre ang bangkay ng biktimang si alyas “Maria” na kawani ng isang restobar sa loob ng barracks ng isang radiator shop sa may Evangelista St. sa Barangay Bangkal.

Ito ay ang barracks ng mismong kasamahan sa trabaho ng suspek na si alyas “Jhayan” na tubong General Santos City.

Dakong alas-8 ng umaga nang matagpuan ang biktima na nakapulupot pa sa leeg nito ang kable ng mikroponong ginamit na pambigti.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, nakita sa kuha ng CCTV ang pagpasok ng biktima kasama ang suspek sa loob ng barracks dakong alas-8 ng gabi ng Biyernes.

Bandang Sabado ng alas-7:15 ng umaga nang makitang lumabas ng barracks ang suspek at naghugas ng kamay bago mabilis na umalis patungo sa hindi nabatid na lugar.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis sa bangkay ng biktima, bukod sa binigti ay may nakita pang saksak ng ice pick sa kanyang leeg na karaniwang gamit ng mga trabahador ng shop sa kanilang trabaho.

Nagsagawa naman kaagad ng follow-up operation ang pulisya subalit bigo silang madakip ang suspek nang puntahan sa mga lugar na kanyang tinatambayan, habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang.

AUTHOR PROFILE