Default Thumbnail

“Balyahan” sa ‘next Customs Commissioner’

July 1, 2022 Paul M. Gutierrez 1251 views

PaulMATAGUMPAY ang katatapos na ‘inauguration’ ni Pang. BBM (Bongbong Marcos Jr.) nitong araw ng Huwebes, Hunyo 30, 2022. At harinawang mangyari ang karamihan sa kanyang mga “pangako” sa kanyang ‘inaugural speech’ dahil sadyang napakalaki ng inaashan sa kanya ng ating mga kababayan.

Uulitin natin na bagaman hindi lang ‘landslide’ at bagkus ay ‘tidal wave’ at ‘tsunami’ ang ibinigay na mandato sa kanya ng mga Pinoy—higit 100 porsiyento kumpara sa botong natanggap ni VP Leni Robredo, ang kandidato ng mga Dilawan, mga dayuhan at ng Communist Party of the Philippines—huwag magtaka na wala pang isang taon, mabilis na mawala sa kanya ang “pagkagiliw” ng mga Pinoy, sakaling hindi niya agaran at epektibong matugunan ang kanilang mga inaasahang kaginhawahan sa buhay—ang patuloy na mataas na presyo ng bilihin, pagbagsak ng halaga ng piso, kawalan ng hanapbuhay, seguridad sa mga komunidad, etcetera, etcetera.

Sa kabila ng lahat ng ito, isa sa mga bagay na napansin natin ay ang walang humpay na sablay na mga banat sa Bureau of Customs at kay Comm. Jagger Guerrero.

Aber, masyado bang ‘insecure’ ang mga ambisyosong gustong pumalit sa kanya kaya kailangan pa siyang gibain at batuhin ng mga bintang na kapag sinuri naman ay batay lang pala sa tsismis, aguy!

Sa panayam pa natin kahapon kay Comm. Jagger sa Meet the Press Report to the Nation media forum ng National Press Club, muntik pa tayong nahulog sa upuan ng malaman natin sa kanya na “higit” pa pala sa 10 ang “aplikante” sa kanyang posisyon, wahh!

Aber, alam ba ninyo dear readers na hanggang natapos ni Pang. Rody ang kanyang termino pagkaraan ng 6 taon, hindi niya napunuan ng kanyang mga appointees ang lahat ng posisyon sa gobyerno!

Pero dito sa BOC, higit 10 ang gustong “tumulong” kay PBBM— “nagbabalyahan” pa nga, sa kanyang administrasyon, hehehe!

Kumbaga, ‘andaming posisyon sa pamahalaan pero ang karamihan, gustong makatulong kay PBBM basta sa BOC sila ipupuwesto, kaya ang tanong, anong “meron,” mga bosing, hahaha!

***

Hindi na rin naman tayo nagtataka kung bakit kailangan pang gibain si Comm. Jagger ng mga aspirante sa BOC dahil nga ‘his record of accomplishments can very well speak for themselves,’ wika nga.

Katulad ngayong buwan ng Hunyo, alam ba kaya ni ES Vic Rodriguez at Finance Secretary Ben Diokno, na ‘highest monthly collection’ na naman ang inirehistro ng BOC sa ilalim ni Guerrero—higit P20 bilyon ang “pasobra” mula sa assigned target nito na P56.287 billion.

Alam din kaya ni ES Vic at Sec. Ben na sapul noong Hunyo 2021, hindi pa sumablay sa koleksyon nito ang Aduana dahil sa magaling na pamumuno ni Comm. Jagger?

“Partida” pa dyan ‘yung halos buwan-buwan na lang, “ginigiba” sila sa harap ng publiko gamit ang ilang sektor ng media.

Kumbaga, hindi nanghina ang loob o napikon at “nawala sa hulog” si Comm. Jagger at kanyang mga kapwa-opisyal na idinadamay sa ‘black propaganda’ laban sa Aduana dahil kahit “binabaterya,” nagde-deliver pa rin at ‘beyond expectation’ pa nga!

At ang mga accomplishments na ito ay hindi kayang pagtakpan at “tabunan” ng ano mang bintang at akusasyon na walang batayan!

Samantala, nalulungkot tayo kay ex-Senate President Vicente ‘Tito Sen’ Sotto III na “kinargahan” pa ang kanilang Senate Report 649 upang palabasin na mismong si Comm. Jagger at 4 pang opisyal ng BOC ay mga “protektor” ng mga smuggler.

Naniniwala kasi tayong ang walang batayang ulat na ito ay magiging “mantsa” sa maganda sanang rekord ni Tito Sen bilang lider ng Senado.

Hmm. Baka rin kaya may ‘axe to grind’ itong si Tito Sen kay Comm. Jagger kaya kahit tsismis, pinatulan niya para lang “makabawi” sa Aduana?

Dangan kasi, sa isang naging pagdinig sa Senado noong 2018, bago naupong BOC chief si Gen. Jagger, hayagang sinabi doon ni ex-Comm. Nicanor ‘Mang Kanor’ Faeldon, na mismong si Tito Sen ang “humirit” sa kanya na gawing BOC intel chief ang isa niyang “bata” sa Aduana.

Hindi napagbigyan si Tito Sen, ayon kay Faeldon at ang resulta, palagi siyang nakakaladkad sa pagdinig ng Senado, aguy!

Eh, hindi kaya may mga “hirit” din si Tito Sen kay Comm. Jagger na hindi napagbigyan kaya para makaganti, ehek, makabawi, idinawit si Comm. Jagger sa kanyang walang batayang listahan?

Ano sa tingin ninyo, dear readers? Abangan!

AUTHOR PROFILE