
Balete drayber timbog sa baril, bala
KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas–Timbog sa mga otoridad ang isang drayber matapos mahulihan ng baril at bala sa operasyon sa Bgy. Looc, Balete, Batangas Huwebes ng madaling-araw.
Ayon sa report ni Batangas Police Provincial Director Col. Samson Belgica Belmonte kay Police Regional Office Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Director Police Brigadier General Carlito M. Gaces, nakilala ang suspek na si alyas Gerry, ng Bgy. Alcate, Victoria, Oriental Mindoro.
Nahuli ang suspek nang magsagawa ang mga pulis ng Balete sa pamumuno ni P/Maj. Kermin Amor U. Cabrales (lead unit), kasama ang team ng 403rd Maneuver Company Regional Mobile Force Branch (RMFB) 4A sa pangunguna ni P/Capt. Jessie H. Liwag at ng Regional Intelligence Unit (RIU) 4A- Provincial Intelligence Team (PIT) Batangas bandang 4:21 ng madaling-araw noong Hulyo 27, 2023.
Ayon sa report nakarekober ang grupo ng 16 na bala ng kalibre .45, isang Colt kalibre .45 pistol, holster, magazine na kargado ng limang bala at isang magazine ng kalibre .45.