Magi

Balakid sa komunikasyon ng estudyante at guro

January 11, 2025 Magi Gunigundo 285 views

“Ang isang problema na maayos ang pagkakabalangkas ay kalahati nang nalutas.”- John Dewey.

​ANG kalidad ng edukasyon ng bansa ay nasa krisis. Ang mga pangdaigdigan panukatan ng pagkatuto ay nagpapakita ng mababang antas ng pagkatuto ng mga estudyante sa matematika, agham at pagbabasa at pinapangalawahan ito ng “Education Committee II Year 1 report.” Maliban pa sa usapin ng badyet at kalidad ng pagtuturo ng mga guro , malaking suliranin ang wikang pangturo at pagsusulit na matinding balakid sa komunikasyon.

Ang salitang komunikasyon ay nagmula sa Latin -“communis”, na ang ibig sabihin ay panglahatan. Ang komunikasyon ay isang proseso ng pagbibigay at pagtanggap ng impormasyon, senyales, o mensahe sa pamamagitan ng pananalita, kilos, pagsulat, senyas.

Ang wika ang kakaibang katangian ng tao na nag-aangat sa atin sa mga insekto, ibon at iba pang hayop. Halimbawa, ang ibon ay gumagawa ng pugad at ang tao ay gumagawa ng makina na parehong gumagamit ng oras, pagsisikap, at materyales. Isang bagong henerasyon ng mga ibon at tao ang darating. Ang bagong ibon ay bubuo muli ng pugad na katulad ng dati. Subalit ang bagong henerasyon ng tao , dahil sa wika, ay haharap sa mga hamon para mapahusay ang dinatnang teknolohiya, at mangangating tumuklas at magsisiyasat ng mga bagong paraan upang ang makina ay lalong uminam pasa dati. Sa pamamagitan ng wika, ang gawain ng nakaraang panahon ay nadaragdagan pa sa kasalukuyanat ito ay magpapabago ng kinabukasan (Herman Weisman, Basic Technical Writing©1992).

Ang wika lamang ang nagbibigay-daan sa tao na makabuo ng isang panlipunang pamana ng naipon nakasanayan, kaalaman, at karunungan at nagpapahintulot sa pamayanan na makinabang sa mga karanasan ng mga nakaraang henerasyon. Sinabi ni Edward Sapir na, “Ang wika ay isang sining na hindi kilala ang pangalan, kolektibo, at di-namamalayan; ito ang resulta ng pagkamalikhain ng libu-libong henerasyon.” Samakatuwid, hindi masama bagkus mabuting gamitinang wikang alam ng bata sa kanyang pag-aaral.

May tatlong pangunahing elemento ang komunikasyon: una, ang nagpapadala; ikalawa, ang mensahe, simbolo, o hudyat; at ikatlo, ang pinadadalhan.

Ang nagpapadala ay isang taong nagsasalita, nagsusulat, tumitipa ng kibord, gumuhit, o sumisenyas. Maaari rin itong isang organisasyon tulad ng magasin o peryodiko, aklat , istasyon ng radyo o telebisyon, pelikula, o sosyal media. Ang mensahe ay maaaring nasa anyo ng pagsulat, Braile, naka-tatak na karakter, diagram at tsart, larawan, “sound wave” , “electrical impulse”, padron ng tuldok, kilos o pagngiwi, patay sinding ilaw, patunog ng kampana, posisyon ng bandila, pausok, senyas tulad ng Filipino Sign Language o anumang hudyat na may kakayahang magbigay ng makabuluhang interpretasyon. Ang pinadadalhan ay maaaring isang tao o pangkat nanakikinig, nanonood, nagbabasa, o nakakaunawa ng pinagsasaluhang mensahe, hudyat o simbolo.

Ang nagpapadala ay nag-e-“encode” ng impormasyon, damdamin, kaisipan o ideya na gusto niyang ibahagi sa isang wika na ma de-“decode” ng pinadadalhan. Kung walang pinagsasaluhang wika -imposible ang komunikasyon.

Noon 2013, ang patakaran sa wikang pangturo at pagsusulit ay binago ng RA 10533 upang magkaroon ng makabuluhang komunikasyon ang bata at guro gamit ang unang wika ng mag-aaral. Sa kabila ng kapabayaan ng mga nagdaang pamunuan ng Dep Ed, lumabas sa Early Language Literacy and Numeracy Assessment para sa taong 2023-24 na ang mga bata sa Grade 3 sa Region 8 natinuruan sa kanilang mother tongue, partikular sa Waray at Binisaya, ay mahusay sa pagbabasa at angat sa mgabatang hindi pinagamit ang unang wika. Balita ko kumulo ang dugo ng isang grupo na nagsusulong ng neo-kolonyal na patakaran na bawal ang mother tongue sa paaralan na nakapaloob sa RA 12027.

Komunikasyon ang paraan upang matuto ang estudyante. Matinding balakid sa komunikasyon ng estudyante at guro ang pagbabawal sa pinagsasaluhang wika ng bata at guro sa silid-paaralan dahil walang“encoding” at “decoding” na magaganap sa isang wika na bihasa nilang pinagsasaluhan. Ang pagkilala sa problemasa patakaran sa wikang pangturo at pagsusulit ang daan sa paglutas sa krisis sa edukasyon.

AUTHOR PROFILE