Default Thumbnail

Bakit walang aksiyon ang Manila Water?

November 23, 2022 Allan L. Encarnacion 440 views

Allan EncarnacionDAPAT nakakarating kay PNP Chief General Azurin ang totoong sitwasyon on the ground.

Sana rin ay nababasa nila ang writing on the wall na napakaraming mga kababayan natin ang natatakot na naman sa paglaganap ng mga kriminal kahit saan.

Sa nakaraang anim na taon, malaking kabawasan ang pagtatago ng mga kriminal dahil sa matinding anti-drug war ng Duterte administration.

Kung hindi pa nararamdaman ni General Azurin at ng PNP ang paglaganap ng krimen saan mang panig ng bansa, malaki ang problema natin.

Ang panawagan natin kay General Azurin, pukpukin nang husto ang mga pulis sa mga istasyon para madakip ang mga kriminal, mga pushers at mga drug addict na kumakalat na naman kung saan-saan.

Marami tayong nakakausap na magulang na sobra na naman ang takot sa kanilang komunidad dahil parang wala na namang sinasanto ang mga kriminal sa kanilang komunidad.

***

Congratulations kay retired Col. Popoy Lipana na itinalagang bagong General Manager ng MMDA.

Matagal na nating kakilala at kaibigan itong si Lipana mula pa sa kanyang pagiging bagitong parak sa CPDC na ngayon ay QCPD na.

Malaking additional si Lipana sa MMDA dahil kilala itong disiplinado sa trabaho.

Kudos Ka Popoy!

***

Tatlo na lang kami sa aking bahay dahil nakabukod naman na ang panganay kong anak na nag-asawa na.

Buwan-buwan, patuloy na tumataas ang binabayaran namin sa tubig. Halos kada ikawalang linggo ay out of town pa kami pero patuloy ang pagtaas ng aking metro. Noong una, maximum na namin ang P600 hanggang P800 na monthly water bill consumption pero madalang pa iyong max.

Biglang naging P1,300, sumunod P1,500 at nitong buwan ng Oktubre P2,800. Para kaming may swimming pool sa taas ng aming binabayaran.

Itinawag na namin sa Manila Water pero ayaw nilang palitan ang sirang metro. Kami raw ang humanap ng leak pero wala naman kaming nakikita.

Wala man lang silang effort na puntahan at inspeksiyunin man lang kung bakit para kaming may sariling dam sa laki ng aming binabayaran. Bibigyan ko sana ng pambiling gatas ang aking 3 years old na apong si Mati pero sag-sorry ang lolo dahil naubos ang pera sa water bills! Tiyaga muna siyan sa am, sabi ko sa tatay niya!

Naka-off na lahat ng gripo pero tuloy ang chubibo ng metro. Hindi lang kami ang ganito, may iba pa kaming kakilala na ganito rin ang kaso. Iniisnab din water utility company.

Baka hinihintay pa ng Manila Water na abutin ng P120,000 ang babayaran namin tulad ng isang artista bago sila umaksiyon?

Bibilhin ko na ang Manila Bay kapag umabot pa sa ganyan ang next billing namin.

[email protected]