Default Thumbnail

Trapiko sa Obando sisikip kapag naitayo na sa Bulacan ang bagong paliparan

November 23, 2022 Edd Reyes 356 views

Edd ReyesSINIMULAN na palang balangkasin ng mga opisyal ng Munisipalidad ng Obando sa lalawigan ng Bulacan ang mga paraan kung paano mapapagaan ang daloy ng trapiko sa kanilang bayan dahil inaasahang pagdami ng mga sasakyang daraan dito.

Ang Obando kasi ang magiging alternatibong daan patungo sa itinatayong New Manila International Airport sa Bulakan, Bulacan dahil kadikit lamang nila ang bayan na pagtatayuan ng modernong pandaigdigang paliparan.

Binuo na nga Obando Mayor Leonardo Valeda ng Technical Working Group na kanyang pamumunuan para lumikha ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP), kasama ang mga hepe ng ilang departamento, kapulisan at Traffic Management Office (TMO) na pinamumunuan ni Honorato Manuel.

Sila ang nangangasiwa ngayon sa plano para sa wastong paggamit ng ruta ng mga pampublikong sasakyan na bumibiyahe sa buong munisipalidad na naka-angkla sa kapangyarihan ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng Local Government Code.

Ayon kay Zorillo Galicia, Jr., deputy traffic chief ng TMO, ngayon pa lang ay pinupulong na nila ang iba’t-ibang grupo ng transportasyong may ruta sa kanilang bayan upang ipabatid ang kahalagahan ng pagkakaroon nila ng sariling terminal dahil hindi na papayagang mag-terminal sila sa mga lansangan o bangketa.

Ipinabatid na rin nila sa mga tsuper na na-iisyuhan ng traffic citation ticket na naka-record na sa sa data base ng Land Transportation Office (LTO) at sa Municipal Treasurer’s Office ang bawa’t nahuhuli at natitikitan.

Paliwanag ni Galicia, kapag hindi nagbayad ng multa sa Municipal Treasurer’s Office ang mga natikitan, magkakaroon sila ng problema sa pagre-renew ng kanilang lisensiya.

Tama lang ang ginagawa ngayon ng Pamahalaang Bayan ng Obando dahil ngayon pa lang kasi ay nagkaka-problema na sila sa masikip na daloy ng trapiko lalu na sa panahon ng kapistahan mula Mayor 17 hanggang 19 dahil dinadagsa sila ng lokal at banyagang turista upang lumahok o manood ng bantog na “Sayaw sa Obando” na kadalasan sinasalihan ng mga mag-asawang hindi magkaroon ng anak.

Serbiyong May Ngiti ni Taytay Mayor Allan De Leon

LALUNG mapapamahal si Mayor Alan De Leon sa kanyang mga kababayan sa Taytay, Rizal dahil sa panawagan niya sa mga opisyal at kawani na dapat ay magkaloob ng serbisyong may ngiti at pantay-pantay.

Kilala ang alkalde sa pagiging istrikto sa mga pasaway na kawani pero may magandang kalooban naman sa mga masisipag na naglilingkod ng tapat sa kanilang kababayan.

Pero minsan, ang kagandahang-loob ng alkalde sa kanyang mga kababayan ay tila inaabuso naman ng ilang mga opisyal na nagbibigay daw ng pahintulot sa mga taong may ilegal na gawain.

Kabilang rito ang pahintulot na ibinigay kina alyas “Tessie”, “Baby P”, “Rambo” at “Michael” na makapaglatag ng mga mesa ng ilegal na sugal sa tianggean sa New Public Market, sa West Bank Road ng Brgy. Sta Ana at sa Rizal Ave. sa Brgy. San Isidro kaya tiyak na magiging abala ngayon si Taytay police chief P/Lt. Col. Norman Cas-oy sa pagtukoy sa iba pang puwesto ng illegal gambling.

Nauna na raw kasing iniutos ni Rizal Provincial Director P/Col. Dominic Baccay ang puspusang kampanya laban sa illegal gambling sa Antipolo, Binangonan at Tanay na nilatagan din ng puwesto nina alyas Rambo, Elvie at Boylife.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE