
BAI muling pasisiglahin industriya ng paghahayupan
MULING pasisiglahin ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang industriya ng paghahayupan sa pamamagitan ng modernisasyon nito.
Ito ang pangako ni Deogracias Victor Savellano, Department of Agriculture (DA) Undersecretary for Livestock sa naganap na ika-94 selebrasyon ng ahensya kamakailan, na may temang “Pistahan sa Barangay BAI: Siyamnapu’t Apat na Taon tungo sa Masaganang Paghahayupan.”
Ayon kay Savellano, itinatag ang BAI sa ilalim ng Republic Act No. 3639 na may mandato na mag-imbestiga,pag-aralan at ireport ang mga dahilan at preventive measures laban sa mga nakakahawang sakit sa hayop at upang ipromote ang pagpapaunlad ng industriya ng paghahayupan sa Pilipinas.
“Ang temang ito ay nagpapahayag ng ating kolektibong layunin na mapaunlad ang sektor ng paghahayupan tungo sa masaganang hinaharap. Ito rin ay patunay ng ating pagkakaisa bilang isang malakas na komunidad na nagtatrabaho para sa kapakanan ng ating mga hayop at buong sektor ng agrikultura,” ani Savellano.
Samantala, nanawagan naman si BAI Director Dr. Enrico Miguel Capulong sa bawat stakeholder na suportahan ang iba’-ibang programa ng ahensiya upang makamit ang nilalayon nitong mapaunlad ang industriya ng paghahayupan sa bansa.
“Hinihikayat ko ang bawat isa sa atin na magtulungan at magbigay ng suporta para sa layuning masaganang komunidad. Sa pagkakaisa nating lahat at sipag, siguradong makakamtan natin ito. Patuloy nating itaguyod ang adhikain ng Bureau of Animal Industry tungo sa mas matatag, masagana, at masiglang kinabukasan para sa ating mga magsasaka at komunidad,” dagdag pa ni Capulong.
Kabilang sa naging kaganapan sa naturang selebrasyon ay ang paglulunsad ng isang libro na may pamagat na “Duck Egg Production and Processing: Principles and Practices in the Philippine Context.”
Ang aklat, na isinulat nina Dr. Angel Lambio, Dr. Veneranda Magpantay, Dr. Christine Adiova, at Dr. Rene Santiago, ay produkto ng pagtutulungan sa pagitan ng mga eksperto mula sa BAI at Unibersidad ng Pilipinas, Los Baños dahil na rin sa hiling mga stakeholder na magkaroon ng isang reference material para sa produksiyon at pagproseso ng itlog ng bibe.
Pinarangalan din sa naturang okasyon ang walong animal farms na binigyan ng Good Animal Husbandry Practices (GAHP) certification, isang ebidensiya na ligtas at maaaring kainin ang kanilang mga produkto. Ebidensiya din ito na pinahahalagahan din nila ang environmental conservation and occupational safety.
Samantalang pinangarangalan din ang apat pang animal farms sa ilalim ng Swine Breeder Farms Accreditation Program (SBFAP) ng BAI na naglalayon na matiyak ang pamamahagi ng may kalidad na swine genetics sa pamamagitan ng pag-certify, accredit at promotion ng sources ng magandang kalidad na breeders.