Default Thumbnail

Baguio City public market, nasunog; P24M halaga ng paninda naabo

March 12, 2023 Zaida I. Delos Reyes 241 views

UMAABOT sa P24-milyong halaga ng ari-arian at paninda ang naabo makaraang masunog ang ilang bahagi ng Baguio City Public Market nitong Sabado ng hatinggabi.

Ito ang kinumpirma ng Baguio City Public Information Office (PIO) nitong Linggo.

Ayon sa ulat, ang sunog ay nagsimula dakong 11:00 ng gabi sa wagwagan section ng palengke na malapit sa mga manukan sa Block 4 extension ng palengke.

Tinupok ng apoy ang kabuuan ng Block 4 at halos lahat naman sa Block 3 at caldero section ng pamilihan,

Ang sunog ay idineklarang fireout dakong 4:38 ng umaga.

Sa pahayag ng PIO, mananatiling bukas ang palengke bukod sa mga parteng nasunog.

Tiniyak din ng pamahalaang lungsod na pabibilisin nila ang relokasyon ng mga apektadong vendor upang maipagpatuloy ng mga ito ang kanilang hanapbuhay.

Siniguro din ng Department of Social Welfare and Development Office at City Social Welfare and Development Office na magbibigay din sila ng ayuda sa mga apektadong vendors partikular na yaong may mga pwesto sa Block 3.