Pilipinas

BAGONG PILIPINAS RAMDAM

March 15, 2024 People's Tonight 90 views

Ng publiko, pwera lang ng mga kritiko

IPINAGKIBIT-BALIKAT ng mga kinatawan ng Mababang Kapulungan ang mga kritisismong natatanggap ng kampanya ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “Bagong Pilipinas” na umano’y puno ng walang saysay na pangako.

Ayon sa mga mambabatas, dapat na tanungin ng mga kritiko ay ang mga taong nakikinabang ng bilyong pisong halaga ng cash assistance at livelihood program na mula sa inisyatibo ng administrasyong Marcos.

Sa pulong balitaan sa Kamara noong Huwebes, ipinagtanggol nina Deputy Majority Leaders Erwin Tulfo at Janette Garin, kasama si Anakalusugan Party-list Rep. Ray Reyes, ang Bagong Pilipinas campaign dahil marami na ang naging benepisyaryo ng programa.

Ayon kay Tulfo, kinatawan ng ACT-CIS Party-list, ang inilunsad ng Pangulong Marcos Jr. na Bagong Pilipinas campaign sa pakikipagtulungan na rin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay pagtupad sa pangako ng Pangulo sa mga Filipino na ang lahat ay mararamdaman ang benepisyo sa pagbangon ng bansa mula sa naging epekto ng pandemya.

“If you are asking me… Bagong Pilipinas was launched by the President hindi para resolbahin ang problema ng Pilipinas overnight. What the President did in Bagong Pilipinas’ launching, para maiangat ang mga kababayan natin sa kahirapan. That’s what Bagong Pilipinas is,” ayon pa kay Tulfo bilang tugon sa naging pahayag ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio na ang Bagong Pilipinas ay puro lamang mga pangako.

“It is not the way I look at it as a journalist. Bagong Pilipinas was launched to help people kasi nga ‘yung promise ng administrasyong Marcos noong tumatakbo pa, na sabay-sabay tayong babangon,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ni Garin na personal niyang nasaksihan kung papaano ang mga tao, maging ang kanyang sariling distrito sa Iloilo, ay natuwa sa pagtanggap sa dalang benepisyo ng mga programa ng pamahalaan sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) na pinangunahan ni Speaker Romualdez.

“On the issue of Bagong Pilipinas, ako kasi personal kong na-witness ‘yon sa distrito ko at nakasama rin ako sa iilang Bagong Pilipinas event, kung saan dahil nandodoon ang mga lider ay mabilis ang serbisyo ng gobyerno,” ayon kay Garin.

“Let’s call a spade, a spade. Pag nag-apply ka ng passport, ilang beses ka babalik-balik? Pag nag-apply ka naman ng driver’s license, ilang beses ka babalik-balik? ‘Yung meron mga serbisyo ng gobyerno na kailangan mong balik-balikan para makuha mo, ‘yan ang tinutugunan, ‘yung serbisyo agad. Sa Bagong Pilipinas, the government is responsive and will always be there,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang BPSF ay isang “one-stop shop” kung saan matatagpuan ang mga serbisyo ng pamahalaan sa iisang bubong sa loob ng dalawang araw sa isang probinsya. Ang programa ay nagtungo na sa 13 probinsya at nakatakda ring dalhin sa lahat ng mga 83 lalawigan ng Pilipinas.

“So ki-nut (cut) yung burukrasya na ‘yan, bumababa ang mga leader para makita you are there not to disturb but you are there to be the prompt. ‘Yun bang mapipilitang gumalaw kaagad ng mabilis at serbisyuhan ‘yung mga taumbayan dahil nandodoon ‘yung mga leaders and that is very important,” ayon kay Garin.

“Pero ‘yung ine-expect ng iba na with the click of your finger, lahat ng problema e may solusyon agad, walang sinumang bansa sa buong mundo ang kaya ng ganon. I believe those statements are somehow also political kasi ganoon naman talaga eh,” tugon pa ni Garin sa naging pahayag ng dating mahistrado.

“There will always be people who will be happy with what you’re doing, but there will always be people who will be criticizing you. Yung importante is tingnan natin, let’s say at the end of this year, tingnan natin kung ano ang sinasabi ng taumbayan, ramdam ba nila or hindi ba nila ramdam?”

Sinabi naman ni Reyes na masyado pang maaga para husgahan kung tagumpay o palpak ang Bagong Pilipinas.

“Kailan ba nag-kick off ‘yung Bagong Pilipinas? Parang January ata o February of this year? So, ang hirap namang sabihin na empty promises siya kung isa o dalawang buwan palang ang nakakalipas. Hindi pa nabibigyan ng pagkakataon na makita talaga ‘yung performance nitong itinataguyod nating Bagong Pilipinas,” ayon naman kay Reyes.

“Katulad nga ng nasabi ni Cong. Janet Garin, doon sa region nila nakita niya naman ‘yung response ng parang BPSF. Doon sa Mindoro, ganon din naman po. ‘Yung serbisyo fair po sa Mindoro si Speaker pa mismo ang pumunta so that he could personally witness kung ano po talaga yung BPSF,” dagdag pa ng mambabatas.

AUTHOR PROFILE