Crime

Babaeng tagawalis ng kalsada inabo ng bala

February 16, 2024 Edd Reyes 187 views

TINAPOS ng siyam na bala ang buhay ng babaeng street sweeper galing sa baril ng hindi nakilalang salarin habang nagpapahinga sa harap ng convenience store noong Biyernes sa Taguig City.

Todas agad si alyas Jonna ng Brgy. Rizal dahil sa mga tama ng bala at tumakas naman ang mga salarin sakay ng motorsiklo, patungo sa hindi nabatid na lugar.

Kadadaan lang ng mga nagro-rondang mga opisyal ng barangay sa lugar at pinalagpas lang sila ng halos isang minuto bago isagawa ang pagpatay.

Base sa report, kausap ni Jonna si alyas Kriszha, 20, street sweeper din, sa kanto ng Floraville at Magnolia Sts. sa naturang barangay dakong alas-6:45 ng umaga nang ratratin ng armadong salarin.

Nakabulagta na ang biktima dahil sa siyam na bala pero nilapitan pa ng suspek at paputukan pa ng isa para tiyakin na hindi na mabubuhay.

Hindi idinamay ng mga salarin si Kriszha na natulala at hindi nakakilos sa sobrang takot sa nasaksihang pagpatay sa kanyang kasamahan.

Tinutukoy ng pulisya ang motibo sa krimen na magiging daan upang matukoy nila ang pagkakakilanlan sa mga salarin at maging sa may pakana ng pagpatay.

Nagpaalala si PBGen. Mark Pespes, director ng Southern Police District, sa mga opisyal ng barangay at kapulisan na maging mapagmatyag at alamin kung may mga taong kahina-hinala ang kilos sa kanilang mga lugar.

AUTHOR PROFILE