ATM

ATM PINASAKAN NG PAPEL NA MAY PANDIKIT

June 21, 2023 Edd Reyes 204 views

Dalagang suspek arestado

HULI umano sa aktong pinapasakan ng mga papel na may pandikit ng 43-anyos na dalaga ang isang automated teller machine (ATM) Martes ng gabi sa Malabon City.

Hindi pa malinaw sa mga imbestigador ang motibo ng ginawang paninira ng suspek sa ATM ng isang bangko na matatagpuan sa 34 Gov. Pascual Avenue, Brgy. Acacia bagama’t may hinala si P/Capt. Manny Delos Angeles, commander ng Malabon Police Sub-Station 2, na hindi lamang paninira ang motibo ng suspek na dalaga, walang hanapbuhay, at residente ng Bagong Buwan, Novalichez, Quezon City.

Sa nakarating na ulat kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, tumanggap ng reklamo ang mga kliyente ng PBCom matapos mabigo silang makapag-withdraw ng pera sa naturang ATM kaya’t inalerto ng pamunuan ang kanilang mga security officer upang alamin kung sino ang may kagagawan ng paninira sa makina.

Dakong alas-7:50 ng gabi nang maaktuhan ni Rogelio Corpuz, Jr, 45, security officer ng bangko ang dalaga habang pinapasakan umano ng mga papel na may pandikit o “sticky note pad” ang labasan ng salapi sa ATM kaya’t kaagad niyang inaresto ang suspek at dinala sa Police Sub-Station 2 upang ireklamo.

Nakuha nina Pat. Neives Sol Apli at Pat. Emie Acuzar ng Sub-Station 2 sa dalaga ang isang reward card mula sa isang grocery warehouse, ATM card ng Union Bank at isang booklet ng sticky note.

Bunga ng kawalan ng sapat na ebidensiyang nilabag ng suspek ang batas kaugnay sa R.A. 8484 o ang Access Devices Regulation Act of 1998, sinampahan siya ng kasong malicious mischief ng pulisya .

AUTHOR PROFILE