
Atake sa puso ikinasawi ni Mali
INIHAYAG ni Manila Zoo Senior Veterinarian Dr. Heinrich Patrick “Chip” Pena-Domingo nitong Miyerkules ng umaga na namatay ang kaisa-isang elepante sa bansa na si Vishwa Ma’ali na kilala bilang Mali bunga ng pagpalya ng kanyang puso.
Sinabi ni Pena-Domingo na batay sa isinagawang necropsy sa labi ni Mali, dumanas din siya ng pancreatic cancer at pagpalya ng iba’t-ibang mahalagang bahagi ng kanyang lamang-loob na naging daan upang mahirapang makapag-supply ng dugo sa kanya katawan.
“Yung aorta o yung tubo palabas ng kanyang puso, ito po ay may makapal na taba na nakabara, maaari po na iyon ang cause ng pagkamatay niya, yung congestive heart failure, wherein nahihirapan na po yung puso niya na i-pump yung enough blood sa katawan dahil sa dami po ng organs na affected sa kanya,” paliwanag ni Dr. Pena-Domingo sa ginanap na pulong-balitaan sa Manila Zoo.
Aniya, nagsimulang magpakita ng pagkabalisa si Mali noong Biyernes ng nagdaang Linggo at kinabukasan ay nawalan na siya ng ganang kumain kaya’t itinutok na nila ang pagmo-monitor sa lagay ng kanyang kalusugan.
“Tuesday morning, umupo siya bandang 5 at humiga po bandang alas-6 ng umaga. Kami po ay nag-alala at naalarma kaya nagbigay na kami ng karampatang lunas. Bandang 11 to 11:30 ng umaga, napansin namin na yung pupils niya medyo dilated tapos bandang 3:45 po, medyo nahirapan na siya at doon na siya nawala. Masakit mang sabihin pero nasa range po ang kanyang life span, matanda na po siya,” dugtong pa ni Dr. Pena-Domingo.
Ayon naman kay Mayor Honey Lacuna-Pangan, nagsisimula na silang makipag-usap sa mga eksperto upang mai-preserba si Mali sa pamamagitan ng pagsasailalim sa kanya sa taxidermist o gawing estatuwa.
“Alam naman ninyo, prized possession po namin si Mali, siya po talaga ang star attraction dito sa Manila Zoo. Ngayon po ay sisimulan po naming makipag-usap sa Sri Lankan government, kami po ay susulat sa kanila to inform them na wala na nga po si Mali and at the same time din, maka-request po kami sa kanila ng replacement po, sorry hindi po magandang pakinggan, yung maaari pong kapalit ni Mali,” pahayag pa ng alkalde.
Ayon sa kanya, ibinigay sa Lungsod ng Maynila si Mali noong taong 1981 ng Pamahalaan ng Sri Lanka, taliwas sa mga naunang ulat na 1977 nang dalhin siya sa Maynila.
“It was a different elephant, si Sheeba po yun noong 1977. So dati po me kasama si Mali, itong si Sheeba, she died naman noong 1990, she was 27 years old, so si Mali po ang nag-iisang elephant dito sa Manila Zoo sa Pilipinas siya na po yung pinakamatagal na nabuhay na elephant dito po sa atin, 43 years old po siya,” paglilinaw ng alkalde.
Binigyang pansin din ng alkalde ang pagnanais ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) na ibalik sa kanyang tunay na kapaligiran si Mali bagama’t mahirap na aniya para sa rito ang makapamuhay sa bagong kapaligiran dahil napakatagal at nasanay na siya sa kanyang tahanan dito. “Kasi dito na po siya lumaki sa atin, so hindi po talaga na-consider yun,” paliwanag pa ng alkalde.