
ARBs makikinabang sa solar irrigation system sa Kiblawan
MADADAGDAGAN ang ani ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa Kisulan Solar Powered Irrigation Association, Inc. sa Davao del Sur sa pagsisimula ng operasyon ng P30 milyong solar-powered irrigation system (SPIS) sa Kiblawan.
Itinayo ang solar facility sa inisyatibo ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado M. Estrella III katuwang ang lokal na pamahalaan ng Kiblawan at National Irrigation Administration (NIA).
Ayon kay Estrella, layunin ng naturang inisyatibo na masiguro na may sapat na pagkain sa rehiyon.
Pinondohan ang proyekto sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) Irrigation Component gamit ang Agrarian Reform Fund (ARF). Natapos na ang proyekto at handa nang i-turnover sa 44 na ARBs at sa kanilang komunidad.
Sasaklawin ng SPIS ang 80 ektaryang lupang pansakahan at magbibigay ng maaasahan at matipid na irigasyon kaya hindi na kailangang gumamit ng mamahaling fuel-powered na bomba.
Sa isinagawang huling inspeksyon, kinumpirma ng mga kinatawan mula sa DAR Region XI, NIA, Provincial Agrarian Reform Coordinating Committee (PARCCOM), Barangay Agrarian Reform Committee (BARC) at mga lider ng Irrigators Association (IA) Chairman at local government officials na handa na ang proyekto at maaari nang gamitin upang magbigay ng pangmatagalang benepisyo sa ARBs at lokal na ekonomiya.
“Ang tagumpay na ito mahalagang hakbang para sa ating mga ARBs. Binigyan sila ng maaasahang irigasyon habang itinataguyod ang paggamit ng renewable energy sa agrikultura,” sabi ni Jupiter Arandeta, Jr., DAR Davao del Sur Provincial Agrarian Reform Program Officer II (PARPO II).
Bukod sa pamamahagi ng lupa, patuloy ang suporta ng DAR sa mga ARB sa pamamagitan ng mahahalagang proyekto tulad ng irigasyon, farm-to-market roads, pautang at makabagong pagsasanay sa pagsasaka.
Sa matagumpay na proyektong ito, muling pinagtitibay ng DAR ang layunin nitong mapalakas ang kita ng mga magsasaka at masigurong tuloy-tuloy ang pag-unlad ng mga pamayanang pansakahan sa Kiblawan.