Default Thumbnail

ARAL Act dagdag-trabaho lang?

November 28, 2022 Paul M. Gutierrez 256 views

PaulNAIS ni Senator Win Gatchalian na mapaigting ang kakayahan ng mga mag-aaral sa bansa sa panukalang batas nito na Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act. Bago pa man daw dumating ang pandemya napag-iiwanan na ang Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa.

Katunayan, sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) ang Pilipinas ang siyang pinakakulelat sa halos 79 bansang lumahok. Pinakamababa ang Pilipinas partikular sa pagbabasa. Sa ulat ng PISA, isa lamang sa limang mag-aaral na nasa labinlimang taong gulang ang nakakuha ng minimum proficiency sa Overall Reading Literacy.

Sa naging resulta naman ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), nasa 10 porsiyento lamang ng mag-aaral sa bansa ang may minimum proficiency sa pagtatapos ng primary education.

Sa taya naman ng World Bank na simula noong Hunyo 2022, tumindi ang learning poverty sa bansa sa 90.9 porsiyento ng mga kabataang sampung taong gulang pataas ang hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kwento.

Tinataya naman ng World Bank na simula noong Hunyo 2022, pumalo ang learning poverty sa bansa sa 90.9 porsyento, ang bilang ng kabataang sampung taong gulang pataas ang hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kwento.

Ayon kay Senator Gatchalian na chairman ng Senate Committee on Basic Education, nagdulot ng learning loss ang kawalan ng face-to-face classes.

Totoo naman na may negatibong epekto ang pagkawala ng face-to-face classes sa mga mag-aaral. Pero datos na rin mismo na ginamit ni Senator Gatchalian na nagpapakita na bago pa man ang pandemya ay mababa na ang nakukuha ng mga mag-aaral partikular sa pagbabasa.

Hindi marapat na gamiting dahilan ang pandemya dahil sa mababang performance ng mga bata kundi ang kasalukuyang sistemang pang-edukasyon na umiiral sa bansa.

Alam naman ng marami ang taun-taong kalagayan ng ating mga pampublikong paaralan sa bansa. Sa Metro Manila pa lamang nagsisiksikan pa rin ang mga mag-aaral sa isang silid aralan dahil sa kakulangan ng klasrum. Kasabay pa ito ng kakulangan sa mga guro dahilan para magsisikan sa isang klase ang mga bata. Kaya hindi nakakasunod din sa internasyunal na pamantayan ang Pilipinas pagdating sa bilang ng mga mag-aaral sa bawat klase o class size.

Imbes na dapat ay nasa 25 mag-aaral lamang ang nasa isang klase para mas higit na matutukan ang pagkatuto ng mga bata, umaabot sa 40 hanggang 60 ang isang klase. Kaya hindi nababantayan ang development o pagkatuto ng mga bata.

Dahil iyan sa baba din ng sahod ng mga guro kaya naman mas pinipili na lamang ng ibang mga graduate ang magturo sa pribado o di kaya’y mangibang bansa. Dahil aminin man natin o hindi, ang pagiging guro ay hindi isang trabaho na kinakakitaan ng magandang sahod. Sa madaling salita, hindi ka yayaman sa pagiging titser sa Pilipinas.

Ito ay sa Metro Manila pa lamang. Mas malala pa sa ibang mga lugar sa probinsya na talaga namang mas kalunos-lunos ang mga kalagayan. Kailangan pang tumawid ng mga bundok at ilog ang mga bata para lamang makapag-aral. Kulang-kulang din ang mga libro na ginagamit na sa isang libro kailangan pang maghiraman ng dalawa o tatlong mag-aaral.

Kaya namang kung totoong sinsero si Senator Gatchalian sa pagpapabuti ng development ng mga bata partikular sa pagbabasa, kailangan munang tignan ang matagal nang mga problema na hindi pa rin nasusolusyunan.

Hindi natin sinasabing totally walang kwenta ang batas na ipinapanukala ni Senator Gatchalian, kailangan naman talaga ng programa para sa learning recovery. Pero kung maipasa man ang batas na iyan pero mananatili ang mga problemang nabanggit natin, hindi nito mapapataas ang kalidad ng edukasyon na mayroon ang bansa natin.

Kung ang learning recovery na layunin ni Senator Gatchalian ay walang nakasaad ng pagpapabuti ng kalagayan ng mga guro sa porma man ng dagdag-sahod at benepisyo, o pagbabawas ng mga trabahong walang kinalaman sa pagtuturo, ang batas na ito ay magiging dagdag-trabaho lamang. Magdadagdag pagod lamang sa mga underpaid at over worked na mga guro.

Dahil kung gusto natin ng kalidad na edukasyon, maging ang mga guro kailangan ding magrecover.

AUTHOR PROFILE