Ara

Ara na-inspire kay Ate Vi

March 19, 2025 Ian F. Fariñas 391 views

MALAKING inspirasyon pala kay Ara Mina ang idolo niyang si Star for All Seasons Vilma Santos-Recto sa pagtakbo bilang konsehala ng 2nd district ng Pasig ngayong 2025 midterm elections.

Sa pakikipagtsikahan sa mga kaibigan mula sa entertainment media, sinabi ni Ara na tulad ni Ate Vi, hindi niya tatalikuran ang showbiz manalo man sa paparating na halalan.

Katwiran niya, “Kumbaga, ang showbiz nandiyan ‘yan, eh, hindi mawawala ‘yan. Siyempre, magpo-focus tayo dito, pero tulad nga ng sinabi ko, meron pa kasi akong movie na hindi natapos at tatapusin after election.

“Madali na namang gawin ang isang movie ngayon. Hindi tulad noon na eight months… pero ngayon, ilang days na lang, natatapos na ang isang movie.”

Willing pa rin daw siyang umarte sa big o small screen sakaling may dumating na magandang offer.

“Parang si Ninang Vilma, ‘di ba? Nakakagawa rin siya ng movie once in while kahit nakaupo siya pero naka-focus siya sa public service. So, siguro ganu’n. We’ll never know. Bahala na si Lord, pero magpo-focus ako sa public service kapag tayo’y nanalo,” patuloy ng aktres.

Kasama nga palang humarap ni Ara sa showbiz press ang ka-partido niyang si Sarah Discaya, na tumatakbo naman sa pagka-mayor ng Pasig.

Si Sarah ang makakalaban ni reelectionist Pasig Mayor Vico Sotto kaya natanong si Ara kung hindi ba magtatampo sa kanya si Bossing Vic dahil dito.

Depense ng aktres, “Knowing Bossing, hindi naman siya ano, eh. Matalinong tao si Bossing. Hindi para magkaroon ng ganoong problema. Kasi, may kanya-kanya naman tayong preference, may kanya-kanya tayong journey. So, I don’t think na sasama ang loob ni Bossing sa ganu’n.”

Para sa mga hindi nakakaalam, legit Pasiguena si Ara. Ang ancestral home ng pamilya nila ay matatagpuan sa Santolan, Pasig.

Sa Santolan na ipinanganak at lumaki ang mommy niya, na minsan ding naging Mutya ng Pasig title holder.

Si Sarah umano mismo ang nag-convince kay Ara na kumandidato bilang konsehala matapos silang magkasama sa isang medical mission na isinagawa ng foundation nitong St. Gerrard Construction Charity Foundation.

Kwento ng aktres, hindi siya agad umoo kay Sarah.

“Alam ni Ate Sarah ‘yun, kasi sabi ko, magdadasal pa ako, asking for a sign, kausapin ko pa ang pamilya ko. So, mga three months pa bago ako nakabalik sa kanya para mag-decide to run,” pagbabalik-tanaw pa ni Ara.

AUTHOR PROFILE