Jinggoy

Apela ni Jinggoy: Fuel tax suspendihin o sahod itaas

March 7, 2022 People's Tonight 389 views

SA gitna nang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, umapela sa pamahalaan si dating senador Jinggoy Estrada na suspendihin muna ang fuel excise tax o kaya’y dagdagan ang minimum wage ng mga manggagawa.

Ayon kay Estrada, kinakailangan ng agarang aksyon ng pamahalaan bunsod nang isa na namang big time oil price hike ngayong Linggo dahil sa Russia-Ukraine war.

Bagamat mabigat timbangin ang pag-suspinde ng fuel excise tax at pagtaas ng sahod sa gitna ng di pa natatapos na krisis dulot ng COVID-19, kailangan aniyang tulungan ang mga Pinoy sa inaasahang pagtaas ng presyo ng pamasahe at pangunahing bilihin.

“Nagdurusa pa ang ating mga kababayan dahil sa pandemya tapos heto na naman ang isang dagok dulot ng pagtaas ng presyo ng gasolina at pangunahing bilihin,” diin ni Estrada.

Bago pa man atakihin ng Russia ang Ukraine, mismong si labor secretary Silvestre Bello III na umano ang umaming hindi sapat ang P537 minimum wage sa National Capital Region. “Ganun din ang sitwasyon sa mga pangunahing lungsod tulad ng Metro Cebu, Metro Davao at iba pang urban areas,” diin ni Estrada.

“Wala pang COVID-19 pandemic, alam na ng pamahalaan na hindi sapat sa pang-araw araw na pangangailangan ng pamilyang Pilipino ang minimum wage na inuuwi ng ama ng tahanan. Mas malala pa ang sitwasyon ngayon,” paliwanag ni Estrada na tumatakbong muli bilang senador sa ilalim ng Team Unity.

Kung hindi kayang itaas ang sahod dahil nagdurusa din ang mga kumpanyang nalugi din dahil aa COVID-19, maaari aniyang pag-isipan ng pamahalaan ang pansantalang suspensyon ng fuel excise tax upang matulungan ang mga Pilipino lalo na ang mahihirap.

Ayon kay Estrada malaki ang epekto o impact ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa lahat ng uri ng produkto lalo na sa pagkain dahil dagdag sa presyo ang mataas na transportation costs. Magiging mahal din ang kuryente at pamasahe dahil langis din ang nagpapatakbo ng mga power plants at mga sasakyang pampubliko at pribado.

“Sa mga ganitong panahon madaling sabihin na maghigpit muna ng sinturon ang lahat ngunit tatanawing malaking utang na loob ng taumbayan kung maiibsan kahit paano ang kanilang pagdurusa,” diin ni Estrada na dating nagsilbi bilang chairman ng Senate labor committee noong siya’y bahagi pa ng mataas na kapulungan.

AUTHOR PROFILE