
Antas ng krimen sa NCR tumaas sa Alert Level 1
GUMAGAWA na pala ng mga kaukulang hakbang si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Felipe Natividad upang hindi na lumala pa ang antas ng krimen sa Metro Manila na aniya ay tumaas sa pagsisimula ng Alert Level 1.
Isa-isa ng binibisita ni MGen. Natividad ang bawat distrito ng pulisya sa Kamaynilaan upang matiyak na maipatutupad ang kanyang mga direktiba, kabilang ang pagpapaigting sa police visibility, pagsasagawa ng checkpoints, maigting na operasyon laban sa ilegal na droga, pagtugis sa mga taong nakagawa ng krimen at kampanya laban sa ilegal na sugal.
Sa ginanap na “Meet and Greet” ni MGen. Natividad sa mga mamamahayag sa Hinirang Multi-Purpose Hall sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City na inorganisa ni P/Lt. Col. Jenny Tecson, ang hepe ng Public Information Office (PIO), sinabi ni Natividad na bibigyang-diin din niya ang paglilinis sa hanay ng kapulisan upang matiyak na maibibigay nila ang may kalidad na serbisyo sa mamamayan.
Binanggit niya na walang puwang sa kanilang hanay ang mga pulis na masasangkot sa ilegal na gawain, partikular na sa ilegal na droga, pangingikil, panghoholdap at maging sa pagbibigay ng proteksiyon sa ilegal na sugal,
Sabi niya, kapag nakatanggap siya ng sumbong laban sa sinumang pulis na sangkot sa mga ilegal na gawain, kaagad niyang iuutos sa Regional Internal Affairs Service ang pagsasagawa ng imbestigasyon at kapag napatunayan na totoo ang sumbong, kasong administratibo kaagad ang kakaharapin ng mga ito, kasunod ng kasong kriminal, upang matiyak na matatanggal sila sa serbisyo.
Dugtong pa ni Natividad, kinakausap niya ng masinsinan ang mga pulis sa bawa’t pagbisita sa mga distrito ng pulisya sa Metro Manila para ipaalala sa kanila ang pagsasapuso sa disiplina at sa lahat ng kanilang gagawin upang maging maayos at tama ang kanilang trabaho
Hindi aniya nila kayang ma-perpekto ang bawa’t hakbang subalit magagawa naman nila ito ng wasto kung isasapuso ang pagbibigay ng tamang serbisyo sa mamamayan.
BIDAHAN SA NAVOTAS
WALANG katotohanan na wala ng pag-asa sa buhay ang mga taong nalululong sa paggamit ng ilegal na droga dahil dito lang sa Navotas City, 29 na mga drug addict ang nakapagtapos sa inilunsad na programang Bidahan, isang community-based treatment and rehabilitation program ng lokal na pamahalaan para sa mga sugapa sa paggamit ng droga.
Kabilang sa mga pinagkalooban ng “Katibayan ng Pagtatapos” nina Mayor Toby Tiangco at Congressman John Rey Tiangco ang anim na mga menor-de-edad habang tatlo sa kanila ang nakapasa sa anim na buwang aftercare program.
Labis naman ang pasasalamat ni Mayor Tiangco sa mga nagtapos dahil mas pinili nila ang magbagong buhay at maging responsableng mamamayan sa halip na tuluyang igupo ng bawal na gamot.
Batid naman ni Cong. John Rey Tiangco na hindi madaling talikuran ng mga drug addict ang masamang bisyo kaya’t tiniyak niya ang buo nilang suporta sa mga nagtapos para masigurong tamang landas ang kanilang tatahakin hanggang maging handa na silang tumayo sa sariling mga paa.
Hindi rin naging hadlang ang pandemya para maipagpatuloy ng mga nagtapos ang kanilang rehabilitasyon dahil isinagawa ito sa pamamagitan ng online at limitadong face-to-face counseling na itinaguyod ng Navotas Anti-Drug Council (NADAC) sa pakikipagtulungan ng Narcotics Anonymous
LAVEZARES, DINARAYO NG HOLDAPER
DINADAYO pala ngayon ng mga holdaper sa paghahanap ng kanilang mabibiktima ang Lavezares St. mula Camba hanggang Del Pan sa area ng Binondo dahil sinasamantala nila ang madilim na lugar at kawalan ng mga nagrorondang pulis at barangay tanod.
Pawang mga bodega at establisimiento kasi ang nakahanay sa naturang lansangan kaya’t bukod sa may kadiliman ang lugar, walang mga tambay o mga tao sa paligid sa oras na lumatag na ang dilim at sarado ang mga bodega at establisimiento,
Hinala ng mga naging biktima, mga taga- Anggalo o sa Camba Streets ang mga dumadayong holdaper dahil sa mga naturang lugar sila mabilis na tumatalilis kapag nakapambiktima na.
Karamihan tuloy sa mga naninirahan sa naturang lugar ay nagtitiyaga na lamang maglakad sa Penarubia o San Nicolas Streets dahil kahit malayo ito sa kanilang uuwiang bahay, maraming tao sa paligid na puwede nilang hingan ng tulong kung kinakailangan.
Sana raw, tutukan naman ng mga barangay tanod ang lugar dahil kahit may nagrorondang pulis mula sa Sub-Station sa may P. Guevarra St., hihintayin lang lumagpas ng mga holdaper ang mobile patrol bago sila mag-abang na muli ng mabibiktima.
Sakop nga pala ng Manila Police District (MPD) Station 11 ang naturang lugar kaya’t batik sa kanilang magandang performance ang aktibidad ng mga holdaper kung hindi ito mapipigilan.