Default Thumbnail

Ang Mga Perlas ng Silangan at ng Antilles

June 12, 2021 Magi Gunigundo 575 views

Magi GunigundoANG Pilipinas ang Perlas ng Silangan sa Pasipiko samantalang ang Cuba naman ang Perlas ng Antilles sa Atlantiko. Parehong kolonya ng Espana ang Pilipinas at Cuba habang patawid sa ika -20 siglo. Bago pa mag-umpisa ang Spanish-American War noon Abril 1898 dahil sa paglubog ng US Battleship Maine sa Havana, Cuba noon Pebrero 15,1898, kasama ang 260 tripulante nito, sumiklab na ang malawakang himagsikan laban sa Kastila sa Pilipinas noon Agosto 26,1896 sa Pugad Lawin sa pagpunit ng cedula nila Andres Bonifacio. Mayroon din himagsikan na naganap sa Cuba para patalsikin ang mga Kastila na nag- umpisa noon pang Pebrero 1895.

Wala pang internet noon na madaling makukunan ng sariwang balita sa mga nagaganap sa iba’t ibang sulok ng mundo. Palubog ang kaharian ng Espanya, namamayagpag ang imperio ng Britanya, France, Russia at Germany na may kanya kanyang kolonya sa Africa at nagwasak sa China dahil sa Opium Wars. Bagong salta ang Amerika at hindi pa siya tinuturing na pinakamakapangyarihang bansa sa mundo.

1886 nilimbag ang Noli me Tangere ni Dr. Jose Rizal. Layon nila Rizal ang reporma sa pamamahala ng mga Kastila sa Pilipinas tulad ng pagkakaroon ng diputado o kinatawan sa Cortes(lehislatura ng Espana). Pagkaraan ng anim na taon, maliwanag na walang repormang magaganap kaya inumpisahan nila Andres Bonifacio ang pagtatayo ng Katipunan.

Mali ang pananaw na palaging talo sa labanan si Bonifacio , sapagkat natagpuan na ang isang liham na may petsang Disyembre 12,1896 na inuulat ang panalo ng puwersa ni Bonifacio sa Antipolo. Si Dr. Rizal naman ay binaril sa Bagumbayan noon Disyembre 30,1896. Pagtawid ng taon, naimbitahan si Bonifacio ng Pangkat Magdiwang na mamagitan sa Pangkat Magdalo sa Kabite. Nagkaroon ng Tejeros Kombensyon ng Marso, 1897. Sikat si Emilio Aguinaldo dahil sa sunod sunod na tagumpay sa labanan. Pagdating ng Abril, hinatulan na ng kamatayan sa pagtataksil sa bayan si Bonifacio at mga kasama. Mayo 10, 1897 pinatay si Bonifacio sa Mt. Buntis , Maragondon Kabite.

Ang suwerte ni Aguinaldo sa labanan ay natapos din at kinailangan niyang lumikas patungong hilagang Luzon. At noon Disyembre 15,1897 nilagdaan ang Pact of Biak na Bato; pumayag si Aguinaldo na umalis ng Pilipinas patungong Hongkong kapalit ng P400,000 at pangakong reporma ng mga Kastila. Kanya ng pumutok ang digmaan ng Kastila at Amerikano noon Abril 1898, wala sa Pilipinas si Aguinaldo. Pagkaraan ng Battle of Manila bay lang nakauwi si Aguinaldo at idineklara ang pagpapatuloy ng laban sa mga Kastila. At ng sumapit ang Hunyo 12,1898, winagayway ang bandila ng Pilipinas sa Kabite. Sa panahon din ito itinatag ang American Anti-Imperialist league na tutol sa pakikialam ng Amerika sa Pilipinas. Kabilang sa ligang ito sina Jane Addams (isang social reformer), Andrew Carnegie (isang mayamang negosyante), William James(isang pilosopo) at Mark Twain (ama ng Amerikanong panitikan , may akda ng Adventures of Tom Sawyer at Hucckleberry Finn).

Pinalubog ni US Commodore George Dewey ang Kastilang Armada sa look ng Maynila noon Mayo 1, 1898. Maliban sa Maynila, tangan na ng mga puwersang Pilipino ang buong kapuluan. Pagkaraan ng tatlong buwan paghihintay, dumating ang dagdag na puwersa ng Amerikano at dito na nila sinakop ang Maynila noon Agosto 13,1898. Nagkamali ng basa sa Amerikano sila Aguinaldo. Kung nilusob agad nila Aguinaldo ang Maynila at hindi hinayaan tumakbo ang tatlong buwan, marahil iba ang naging kuwento ng kasaysayan ng Pilipinas. Hindi kinilala ng mga Pilipino na nasakop ng Amerika ang Pilipinas. Samantala , hindi naman kinilala ng mga Amerikano ang kalayaan ng Pilipinas bilang isang ganap na bansa. Naiwan sa ere ang mga Pilipinong umaasa na gagawin ng Amerika ang ginawa nitong kilos para sa Cuba na binigyan agad ng kalayaan bilang isang ganap na bansa noon 1902.

Batay sa mga dokumento ng US Department of State , Agosto 12, 1898 pa lang ay napagkasunduan na ng Estados Unidos at Espanya ang mga sumusunod:

1. Ang pagtanggal sa lahat ng pag-angkin ng soberanya sa Cuba ng Espanya.

2. Ang pagsasalin ng Espanya sa Estados Unidos ng Puerto Rico at iba pang mga isla sa West Indies, kasama ang isla ng Ladrones.

3. Ang agarang paglikas ng Espanya ng Cuba, Puerto Rico, at iba pang mga isla ng Espanya sa West Indies.

4. Ang pananakop ng Estados Unidos ng lungsod, bay, at daungan ng Maynila habang hinihintay ang pagtatapos ng isang kasunduan sa kapayapaan na dapat matukoy ang kontrol, disposisyon, at pamahalaan ng Pilipinas.

Pagsapit ng Disyembre 10,1898 , nilagdaan ang Treaty of Paris . Sinuko ng Espanya ang Pilipinas sa mga Amerikano sa halagang P20 milyon.

Sinabi ni William McKinley, Pangulo ng Amerika, na gumamit lang sila ng sandata bilang pagsunod sa mga dikta ng sangkatauhan at sa pagtupad ng mataas na obligasyong pampubliko at moral. Wala raw silang disenyo ng pagpapalaki at walang ambisyon ng pananakop.

May aral tayong mapupulot dito: makipagkaibigan subalit huwag magtiwala sa dayuhan, sapagkat kahit gaano katamis ng dila at kadalisay ang layunin ng dayuhan, mangingibabaw pa rin ang pansariling interes ng kanyang bansa.

AUTHOR PROFILE