Default Thumbnail

Ang bugkos ng mga karapatang pantao.

December 14, 2024 Magi Gunigundo 230 views

MagiANG mga karapatang pantao ay nasa ilalim ng pagsalakay […] Ang tema ng 2024 ay nagpapaalala sa atin na ang mga karapatang pantao ay tungkol sa pagbuo ng ating hinaharap — ngayon […] kaya dapat tayong manindigan para sa lahat ng karapatan — palagi.”- Kalihim-Heneral ng UN Antonio Guterres

Ginugunita ang Araw ng mga Karapatang Pantao, tuwing ika-10 ng Disyembre taun-taon sa buong mundo, ang anibersaryo ng pandaigdigang panata ng mga bansang bahagi ng United Nations (UN) : ang Universal Declaration of Human Rights (UDHR).

Ang napakahalagang dokumentong ay nagtataglay ng mga hindi maiaalis at hindi-maipagkakait na mga karapatan bilang isang tao – anuman ang kanyang lahi, kulay, relihiyon, kasarian, wika, pulitika o iba pang opinyon, bansa o panlipunang pinagmulan, ari-arian, kapanganakan o iba pang katayuan.

Nakakalungkot nga lamang at sa kabila ng UDHR, ang dating Pangulo Duterte at ilang alipores niya ay nahaharap sa International Criminal Court dahil sa madugong digmaan laban sa droga na lumapastangan sa mga karapatan mabuhay ng mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga.

Subalit mas malawak pa sa karapatang mabuhay ang bugkos ng mga karapatang pantao.

Dapat nating unawain na ang bugkos ng mga karapatang pantao ay nagbibigay ng isang malinaw na landas ng mga solusyon na magpapaalis sa mga dambuhalang suliranin ng lipunan sa edukasyon, kalusugan, kalikasan, katarungan, at maging sa hindi makatwirang konsentrasyon ng kapangyarihan sa kamay ng mga parasitikong linta at kuto na walang konsensiyang nagpapasa sa kamangmangan at kahirapan ng marami.

Ang UDHR ay isang kritikal na papel na dapat gamitin ngayon upang maiwasan ang kasakiman, maipagtanggol ang inaapi at binubusabos, at ng pagbabagong mapapanatili tungo sa isang maginhawang buhay sa Paraiso, at hindi upang pangalagaan ang kawalan sa maraming bagay sa malupit at mala-impiyernong buhay na dinadanas ng marami.

Karapatang pantao rin ang karapatan ng mga kabataan na tumanggap ng dekalidad na edukasyon sa wikang naiintindihan nila at hindi sa neo-kolonyal na patakaran ng paggamit ng banyagang wika sa pagtuturo at pagsusulit na ginagamit ng mga gurong disente ang suweldo at mataas ang abilidad sa pagtuturo.

Karapatang pantao rin ang karapatan sa masigla at malinis na kalikasan na obligasyon ng DENR at mga LGUs.

Gayun din ang karapatan tumanggap ng maasyos na serbisyo sa mga bastanteng pasilidad ng mga pampublikong ospital ng DoH , at kabilang dito ang mga laboratori at dayagnostik ekwipment upang madaling matuklasan ang sanhi ng karamdaman at malapatan agad ng lunas ng mga doktor ,nars at iba pang kawani ng kalusugan na tumatanggap ng disenteng suweldo.

Karapatan pantao rin ang mapiit sa mga bilangguan para sa tao, hindi sa hayop. Obligasyon ito ng DOJ, mga hukuman, PAO, BJMP at BuCor.

Karapatan pantao rin ang makapaghanapbuhay ng disente ang kita sa piling ng pamilya sa Pilipinas, hindi sa ibang bansa bilang OFW.

Ang UDHR ay isang pandaigdigang blueprint para sa internasyonal, nasyonal, at lokal na mga batas at pundasyon ng 2030 Agenda para sa napapanatiling pag-unlad.

Upang mapalaganap ang kahalagahan ng UDHR, isinalin ang dokumento sa 577 mga wika , mula Abkhaz hanggang Zulu.

Ang tema sa 2024 ay : Our Rights, Our Future, Right Now. [ ating mga karapatan, ating kinabukasan, ngayon na).

Ayon sa video ng UN, ang karapatan sa mundong gusto nating panirahan ay iyong ligtas at inaalagaan.

Mahalaga ang ating potensyal at paningin (mas mahusay na pangangalaga sa kalusugan, mas malinis na kapaligiran). Sabay tayong bumangon.Ang ating mga karapatan, ang ating kinabukasan, ngayon. ( 2024 na tema)

Bilang miyembro ng UN , ang Pamahalaan ng Pilipinas ay may obligasyong umiwas na pakialaman o bawasan ang pagtatamasa ng mga karapatang pantao, protektahan ang mga indibidwal at grupo laban sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao, at gumawa ng positibong aksyon upang mapadali ang pagtatamasa ng mga pangunahing karapatang pantao.

Sinabi ni UN Secretary-General António Guterres, “Ang mga karapatang pantao ay pundasyon para sa mapayapa, makatarungan, at inklusibong lipunan.” Iyan ang anyo ng Bagong Pilipinas na inaasam ng mga Pilipino.

AUTHOR PROFILE