Allan

Hindi ok ang maging mahirap sa pampublikong ospital

December 14, 2024 Allan L. Encarnacion 121 views

HINDI ko makalimutan ang isang insidente nang minsang tawagan ako ng aking inaanak dahil ang tatay niyang kaklase ko sa high school ay isinugod daw sa ospital sa Novaliches area.

Nang dumating ako bandang hatinggabi, namatay na pala ang kaklase ko. Ang nagpaiyak talaga sa akin noong gabing iyon ay hindi lang ang pagkamatay ng classmate ko. Bumigat ang dibdib ko at halos hindi mapatid ang pagluha ko dahil ang bangkay niya ay nakabalot ng kumot sa pasilyo ng ospital na nasa sahig.

Sinita ko ang mga nurse at ang guwardiya sa aking dinatnan. “Bakit ganyan kayo magtrato ng mga taong mahihirap?

Maraming beses na akong napunta sa Fabella Hospital sa Maynila na sentro ng mga poanakan ng mga mahihirap nating kababayan. Hindi mo masisikmura ang iyong makikita na dalawang nanay ay magkatabi sa iisang kama at naroon ang kanilang mga bagong silang na anak. At ang mga bantay ng nanganak, natutulog sa bangketa sa labas or kung saan-saang sulok ng Fabella.

Nitong lang isang araw, binabanggit ni Deo Macalma sa DZRH na may isang pasyente sa Rizal Medical Center na ilang linggo nang hindi man lang natitingnan ng duktor kahit peligroso ang kalagayan. May insidente pa na iyong pasyente ay nakaupo sa monoblock chair habang nakasuwero 24 oras.

Maraming beses na akong nakakita first hand kung paano itrato sa mga public hospital ang mga mahihirap nating kababayan. Nakapila sa mainit na lugar at doon na rin sila inaabutan ng ulan.

Gutom, mga walang makain, walang pera at nasa miserableng sitwasyon. Hindi ko alam kung ano ba ang halaga ng may pondo o wala ang Philhealth na siyang malaking isyu ngayon matapos ma-zero budget ng bicam.

Hindi ko makita ang kaibahan ng zero budget at ng budget surplus ng Philhealth kung ang pagbabatayan ko ay ang reality on the ground. Masakit mang sabihin, ang pagtrato natin sa mga mahihirap nating mga pasyente ay parang mga basahan lang na puwedeng apakan at puwedeng ilampaso kahit saan.

Hindi ko makitaan ng totohanang malasakit ang ating health care system kung ang sukatan ay ang araw-araw nating nakikita sa mga pampublikong ospital.

Pauli-tulit nating naririnig, lalo na kapag panahon ng eleksiyon na zero billing at walang dapat problemahin ang mga kababayan nating mahihirap kapag sila ay naospital. Kung puwede lang akong magmura dito at magiging bala ng baril ang aking laway, marami na siguro akong napatay ng mga pabaya sa ating pamahalaan, lalo na sa DOH.

Sa totoo lang, ang health services natin ang isa sa most neglected aspect ng governance sa ating bansa mula pa noon hanggang ngayon.

Kaya nga hindi ako alam kung matutuwa ako or maiinis sa zero budget ng Philhealth dahil wala tayong maramdamang pakinabang ng marami nating kababayan sa pondong inilalaan, lalo na sa mga mahihirap.

Kung may kakayahan lang ang mga kababayan natin, hindi magtitiis ang mga yan na minamatrato sila sa mga government hospitals dahil nga wala naman silang choice kung hindi pumaloob sa sistema ng kapabayaan na nangyayari sa mga pampublikong pagamutan.

[email protected]