Andrea

Andrea, inalila at ginawang yaya ng mga bad influence na kaibigan

August 28, 2023 Vinia Vivar 469 views

Inamin ni Andrea Brillantes na nagkaroon siya ng mga kaibigang bad influence sa kanya at dahil dito ay medyo naligaw siya ng landas.

Sa screening at mediacon ng bago niyang TV series sa Dreamscape Entertainment na Senior High, isa sa mga naitanong kay Andrea ay kung naka-relate ba siya sa karakter niya bilang si Luna na laging naba-bash at nabu-bully.

Ayon sa aktres, nakaka-relate siya kay Luna as Blythe (her real name), not as Andrea na artista na laging bina-bash.

“Ano kasi, wala naman na akong magagawa do’n, eh,” aniya.

Tulad ni Luna, may panahon din daw na nagkaroon siya ng mga maling kaibigan to the point na parang ginawa na rin siyang alila or yaya.

“Mas nakaka-relate po ako with Luna kasi, actually, there was a point in my life na parang napasok din ako sa friend group, tapos akala ko, friends ko sila hanggang sa nare-realize ko na ‘oh, my God, unti-unti na akong ginagawang alila or yaya nila.’

“Tapos, hanggang sa ‘yung friends ko, parang, ‘huh? Nabu-bully na pala ako,’ and ‘yung mga friends ko na ‘to, galing din po sila sa mga prestigious schools. Tapos, sobrang mga below the belt na rin ‘yung mga ginagawa nila sa ‘kin,” kwento ni Blythe.

Dahil sa mga ginagawa sa kanya ng mga kaibigan niyang ito ay naapektuhan na ang kanyang mental health.

“Sa friend group na ito, hindi naging maganda ‘yung mental health ko, I was at my lowest, I was so young. Hindi ko na kilala ang sarili ko, sobrang napunta ako sa friend ko na bad influence po talaga,” aniya.

Pero thankfully ay nakalabas naman daw siya rito at nagawa niyang buuing muli ang sarili and she came out as a better and stronger person.

“Luckily, thank you sa Diyos, nakawala ako do’n and nahanap ko naman na ‘yung sarili ko and ‘pag tinitingnan ko na lang siya, oo, ‘yun ako dati pero ngayon, mas matapang na ako and tinitingnan ko siya na kinailangang mangyari ‘yun sa buhay ko,” pahayag ni Andrea.

Asked kung sino na ang friends niya ngayon, ayon kay Andrea, sina Bea Borres, Criza Taa at Danica Ontengco.

They have a group called ABCD girls na acronym ng first letter ng kanilang mga names.

Binanggit niya rin sina Xyriel Manabat at Kyle Echarri na co-stars niya sa Senior High.

Samantala, ang Senior High ay isang youth-oriented mystery-thriller TV series kung saan ay gumaganap si Andrea bilang kambal na Luna at Sky na magkaiba ang personalidad.

Napanood namin ang first three episodes sa screening at wala kaming masabi sa husay ni Andrea talaga.

Naipakita niya agad flawlessly ang magkaibang personalidad ng dalawa niyang karakter. Iniba niya ang ayos, boses, nuances at kilos ng bawat character na mahirap gawin, huh!

Lumutang din agad ang acting prowess ng magagaling na senior stars na sina Angel Aquino at Baron Geisler sa first three episodes.

Hindi rin nagpahuli ang young ones tulad nina Kyle, Elijah Canlas at Daniella Stranner na kinakitaan ng husay sa kanilang mga eksena.

Nagsimula na kagabi, Monday, ang Senior High at mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes, 9:30 p.m., sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, Jeepney TV at TV5.

Mapapanood din ito sa iWantTFC at TFC.

Kasama sa powerhouse cast sina Sylvia Sanchez, Mon Confiado, Desiree del Vale, Zaijian Jaranilla, JK Labajo, Gela Atayde, Miggy Jimenez, Kean Cipriano at Tommy Alejandrino mula sa direksyon nina Onat Diaz at Andoy Ranay.

AUTHOR PROFILE