
Anak ng Pasig naman kayo!
WELCOME development ang programa ni PBBM sa tulong ng San Miguel Corporation (SMC) na malinis ang Pasig River na ang main stretch pala ay nasa 30 kilometers na sumasakop sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Magmula pa kay former President Cory Aquino hanggang kina former President Fidel Ramos, former President Joseph Estrada, former President Noynoy Aquino hanggang kay former President Rody Duterte ay tinangka nang linisin ang Pasig River subalit lahat sila ay nabigo. Or baka mas tama, nagsawa!
Ngayong panahon ni PBBM, muli itong umaarangkada pero sa pagkakataong ito, may pribadong partner—ang SMC na gumawa ng Skyway, ng Calax at ilang importanteng connecting roads sa Luzon.
May naunang proposal ang SMC sa Pasig River, ito iyong Parex or Pasig River Expressway na gagamitin ang magkabilang parte ng pampang para magkaroon ng bagong super highways ang NCR.
Hindi natin alam kung hanggang saan na umabot ang Parex plan or kailan ito mangyayari.
May mga tumututol nga sa proyekto ito mula na mapagmahal daw sa kalikasan! Mas gusto ko nang umayos at magkaroon ng elevated Parex dyan kaysa mga lumulutang na basura at ebak!
Ang importante rito at ang bagong anggulo ay naroon ang pagnanais ng SMC at ng Pangulo ng linisin ang Pasig River na puwede talagang maging alternative mass transportation sa pamamagitan ng ferry at dagdag na economic movement sa pamamagitan ng water transportatation ng mga produktong pang Metro Manila.
Sa tuwing ako ay magagawi sa Hong Kong at Singapore, hindi ko inaalis ang habit kong mag-jogging or walking sa kanilang riverside.
Ang Hong Kong, magmula sa Tsim Sha Tsui East (Kowloon), Avenue of Stars ay karaniwang kong tinatakbo hanggang doon sa Central Hong Kong. Ang daan ko ay mismong shoreline or harbour center na may magandang disenyo ng floor bricks/tile at steel railings. Nasa 7 to 8 kimilometers lang ang inaabot ko balikan pero ang kapansin-pansin, walang putol ang ganda ng design at linis ng kanilang katubigan.
Kung nasa Singapore naman, ang karaniwan hotel ko na tinutuluyan ay nasa Orchard Road. Doon ay magmumula akong tumakbo hanggang sa Marina Bay Sands/Esplanade. Nasa 6 kilometers one way or 12 km kasama na ang pabalik. Hindi rin napuputol ang green o mga puno at halaman kasama pa ang malapad na bangketa kaya masisiyahang kang mag-jogging. Hanep din ang kanilang mga bricks/tiles na inilagay, halatang walang nangumisyon!
Doon sa mismong Esplanade/Marina Bay Sands, nagpapaikot-ikot ako sa pag-jogging doon. Matutuwa at maiinggit ka sa linis ng tubig.
Ang Hong Kong at Singapore harbour ay katulad din dito sa ating Pasig River, napapaligiran din sila ng mga hotel industry at iba pang negosyo. Ang wala sa kanila ay iyong nasa ating Pasig River—ang mga slums sa paligid at mga negosyong nagtatapon ng untreated waste water.
HIndi ko pa tinangkang mag-jogging sa paligid ng Pasig River kasi sa tuwing madadaan ako, malaking pusali ang ang aking nakaamoy! Baka sa halip na lumakas ang aking baga, lalong manghina dahil sa bantot! Mga anak ng Pasig talaga kayong mga nagkakalat sa ating ilog!
Kung talagang gusto nating mapakinabangan ang Pasig River, totohanin nating paalisin ang mga nagiging sanhi ng kalat at dumi sa katubigan. Kahit gaano kaseryoso si PBBM at ang SMC na buhayin ang Pasig River, wala ring mangyari kung hindi nila mapapaalis ang mga pumapatay dito.