
Alak, vendors, mag-ingay bawal sa Bar exams
INIUTOS ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pagbabawal sa pag-inom at pagbebenta ng alak, pagkalat ng mga ambulant vendors at iba pang aktibidad na lilikha ng ingay na maaaring makaabala sa mga lugar kung saan gaganapin ang 2023 Bar examinations
Sa ilalim ng Executive Order No. 24 na nilagdaan ng alkalde, magtatakda ng liquor ban sa loob ng 500-metrong radius sa paligid ng San Beda University at University of Sto Tomas sa mga nakahanay na petsa at oras: a. mula hatinggabi ng Setyembre 16 hanggang alas-10 ng gabi ng Setyembre 17; b. mula hatinggabi ng Setyember 19 hanggang alas-10 ng gabi ng Setyembre 20; c. mula hatinggabi ng Setyembre 23 hanggang alas-10 ng gabi ng Setyembre 24.
Ipagbabawal din ang pagtitinda ng mga ambulant vendors sa paligid ng dalawang unibersidad na kagaganapan ng bar examination na magsisinula sa mga nakahanay na petsa at oras: a. mula hatinggabi ng Setyembre 16 hanggang hatinggabi ng Setyembre 18; b. mula hatinggabi ng Setyembre 19 hanggang hatinggabi ng Setyembre 21; at c. mula hatinggabi ng Setyembre 24 hanggang hatinggabi ng Setyembre 25
Hindi rin papayagan ang pagbi-videoke, karaoke at iba pang malalakas na sound system, pati na ang mga nakaka-abala o nakaka-istorbong aktibidad tulad ng malakihang pagtitipon, parada, salubong, pag-organisa ng anumang kasiyahan at iba pang magdudulot ng labis na ingay.
Papatawan ng kaukulang kaparusahan sa ilalim ng Section 5 ng inilabas na executive order.