Default Thumbnail

Alahas, pera kinulimbat ng bagong kasambahay

November 21, 2023 Melnie Ragasa-limena 255 views

ARESTADO ang isang 47-anyos na babae matapos umanong tangayin ang bag ng kaniyang amo na may lamang P865,000 na halaga ng alahas at pera sa mismong araw na natanggap siya bilang kasambahay nitong Lunes sa Quezon City.

Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) Station 15 ang suspek.

Siya ay nahaharap sa kasong qualified theft base sa reklamo ng 73-taong-gulang na biktima at residente ng Ilocos Sur Street, Barangay Ramon Magsaysay, Bago Bantay, Quezon City.

Sa salaysay ng biktima kay PSSg. Efren Villafranca Jr., nangyari ang insidente nitong Nobyembre 20, 2023.

Umaga ng nasabing petsa ay nag-apply umano ang suspek bilang kasambahay at agad naman na natanggap dahil inirekomenda umano ito sa kanya ng isang kaibigan.

Ngunit ilang oras pa lamang ang nakalilipas, bago umano magala-una ng hapon ng araw din na iyon ay tinangay umano ng suspek ang kaniyang bag.

Kasalukuyan umano siyang nasa kusina nang mapansin na nawawala na ang kaniyang bag. Nang hanapin umano niya ang suspek ay wala na rin ito.

Laman ng kaniyang asul na sling bag ang isang pares ng diamond earrings na nagkakahalaga ng P400,000, diamond bracelet na nagkakahalaga ng P400,000, cash na P65,000 at iba’t ibang uri ng passbook at ATM cards.

Agad na nagreport ang biktima sa QCPD Station 15.

Naaresto ang suspek sa isang follow-up operation ngunit bigong mabawi lahat ng pulisya ang mga ninakaw ng suspek sa biktima.

Tanging ang bag na pinaglagyan ng mga nakulimbat, isang wallet at isang libong piso ang nabawi sa suspek.

Positibo naman umanong tinuro ng biktima na kaniya ang mga narekober na gamit.