NEA

Aksyon ng NEA sa mismanagement ng electric coops,hiniling ni Dy.

August 9, 2023 People's Tonight 381 views

NANAWAGAN ngayon si Isabela 6th District Rep. Inno Dy kay National Electrification Administration Chief Antonio Almeda na ipatigil ang umano’y mismanagement ng electric cooperatives na ginawa ng mga tiwaling opisyales.

“Panahon na para tuldukan natin ang mga pang-aabuso ng ibang mga opisyales ng mga electric cooperatives natin. Panahon na para baguhin ang kanilang mga polisiya na mismong nagpapahirap sa mga kooperatiba at nagdudulot ng problema sa ating mga mamamayan,” diin ni Dy sa kanyang talumpati hinggil sa power woes sa Isabela.

Nagbabala ang kongresista na maliban kung naparusahan ang mga tiwaling opisyales, magpapatuloy ang kultura umano ng pang – aabuso.

“Dahil kung walang agarang pagresolba o pagdedesisyon sa iba’t ibang uri ng kaso o mga violations mula sa NEA at ERC, marami sa mga opisyales ng mga electric cooperatives natin ay patuloy na aabusuhin ang ating mga coop. Magpapatuloy ang mga anomalya. Magpapatuloy ang kawalan ng accountability,” pahayag pa ng mambabatas.

Isiniwalat ng Isabela solon ang umano’y maanomalyang isyu sa Isabela electric cooperatives na usapin ng congressional inquiry simula pa nuong isang taon.

Nabunyag sa imbestigasyon ang mga paglabag umano na kinabibilangan ng kolekisyon ng Isabela Electric Cooperative -1 ng may P130 milyon sa service fees para sa late payment, hakbanging hindi pinagtibay ng Energy Regulatory Commission; pagbabayad ng ISELCO-1 ng P2 milyon kada buwan sa loob ng 3 taon sa DC Tech Company para sa information Techolnology services na hindi pa umano nagawa at nakumpleto hangga ngayon; halos lahat ng proyekto ay awarded sa MN Electro Industrial Supply & Services sa kabila ng paulit- ulit na pagkaantala at pagkabigong mag-deliver sa mga proyekto.

Simula pa nuong July 2022, hindi pa nakukulekta ng ISELCO-1 ang may P740 milyon sa consumer account receivables na may P69 milyon ng receivables na “unaacounted for”

Giit pa ng mambabatas, na itinutulak niya ang pagbabago sa paggamit ng karanasan ng kanyang lalawigan para balaan iba pang mga lugar ng mga posibleng epekto ng mismanagement.

“Sinasabi ko ang mga ito dahil kung hindi sana winaldas ang pera ng aming mga kooperatiba ay mas maganda sana ang kalidad ng serbisyo at baka 100% na ng mga tahanan sa Isabela ay electrified na.

“Sinasabi ko ang mga problema ng aming kooperatiba sa Isabela dahil dapat hindi ito mangyari pa sa ibang mga kooperatiba,” dagdag pa ni Dy.

AUTHOR PROFILE