Default Thumbnail

Ai-Ai humagulgol kay Alden

December 16, 2024 Vinia Vivar 192 views

Kay Alden Richards pala umiyak si Ai-Ai de las Alas nang makipaghiwalay sa kanya ang estranged husband na si Gerald Sibayan.

Naikuwento ito Comedy Queen sa panayam sa kanya ng YouLOL Originals podcast na “Your Honor” hosted by Tuesday Vargas and Buboy Villar.

Pagbabalik-tanaw ng komedyana, nang nag-message sa kanya si Gerald ng madaling araw na gusto na nitong makipaghiwalay ay may taping ng “All-Out Sundays” nang umagang iyon.

“Yung araw na sinabi niya sa akin na ayaw na niya ganyan-ganyan. Ano ‘yun taping ‘yun ng AOS (All-Out Sundays),” aniya.

“Birthday special ko! My gosh akala ko, sabi ko, ‘Diyos ko po sana maitawid ko ‘to,” patuloy niya.

Naitawid naman niya ang show pero bigla niyang nakita si Alden.

“Eh, di ito na, naitawid ko na nga ‘yung show, walanghiya, nakita ko si Alden Richards. Nakita ko si Alden, eh, close ‘yun sa akin, eh. Saka close rin ‘yun kay ex. So nu’ng nakita ko siya, parang, ano ba?

“Ganu’n ka naman, ‘di ba, kapag may pinagdadaanan ka, masyado kang emosyonal. Nu’ng nakita ko siya, humagulgol ako,” pagbabahagi ng komedyana.

Nagtaka raw si Alden nang bigla siyang humagulgol at tinanong siya.

“Sabi ni Alden, ‘Oh! Bakit Miss Ai, bakit ka umiiyak? Sabi ko, ‘na-miss kita!’” tsika ni Ai-Ai.

Mukhang nakutoban naman daw ni Alden na may pinagdadaanan siya kaya nag-message ito sa kanya.

“Nag-viber siya sa akin. Sabi niya, ‘Kung ano ‘yung pinagdadaanan mo Miss Ai, sabi niya, ‘okay lang ‘yan.’ Sabi niya ‘naiintindihan kita,’” kwento ni Ai-Ai.

Matatandaan na kinumpirma ng komedyana kamakailan sa manager niyang si Boy Abunda na hiwalay na sila ni Gerald since October pagkatapos ng 10 taong pagsasama.

Sa chat message ay sinabi umano ni Gerald na hindi na siya masaya sa kanilang relasyon at nais niyang magkaroon ng anak.

Sa ngayon, sinisikap ni Ai-Ai na maka-move on mula sa painful breakup nila ni Gerald.

AUTHOR PROFILE