
Iba talaga magtrabaho ang NBI!
MAHIGIT tatlong buwan matapos ang karumal-dumal na pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino, nakikitaan na natin ng linaw ang hustisya para sa alkalde.
Ito ay kasunod ng rekomendasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na sampahan ng kasong multiple murder ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa alkalde, gayundin sa kanyang security aide at isa pang sibilyan na naipit sa crossfire.
Kasama sa pinakakasuhan sina P/Lt. Col. Harry Sucayre, P/Maj. Shyrile Tan,
P/Capt. Dino Goles,P/Lt. Julio Armeza Jr., P/SSgt. Neil Cebu, P/Ssgt. Edsel Omega, Police officer Nino Salem, Police officer Julius Armesa at Police Officer Randy Merelos.
“Respectfully forwarded for preliminary investigation are the results and records of the investigation conducted by agents/ investigators of the National Bureau of Investigation – Samar District Office,” pahayag ng NBI sa kanilang sulat na ipinadala kay Prosecutor General Benedicto Malcontento.
Sa imbestigasyon sa Senado, inamin na rin ng isang pulis na nakipagsabwatan sila sa kalaban sa pulitika ng alkalde upang paslangin ang mga malapit kay Aquino.
Sa pahayag ni Police Master Sergeant Jose Jay Senario, isang intel operative sa Calbayog City, sinabi nito na isang Raymundo Uy ang kumausap sa kanya at inatasan siyang bumalangkas ng affidavit na nagsasabing si Aquino ay sangkot sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot.
“May instance doon na may isang politician na pinagawa ako ng isang affidavit. Sabi sa akin doon, kumuha ka ng isang asset, pagawan mo ng isang affidavit. Kasi si Mayor Aquino mayroon siyang isang pulis doon na naging escort na sinasabi nila na alleged na involved sa drugs,” pahayag ni Senario sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
“So ang pinagawa sa akin, gumawa ako ng isang affidavit, implicating doon sa pulis na sinasabi doon na si Mayor Aquino is protector sa pulis na ‘yun,” dagdag nito.
Sinabi ni Senario na ibinigay niya ang kopya ng affidavit kay Col. Nicholas Torre III, provincial director ng Samar noong mga panahon na iyon subalit sinabihan ito na may iba pang plano.
Tinukoy pa si Capt. Joselito Tabada, hepe ng Samar Provincial Drug Enforcement Unit na isa rin sa napatay sa March shootout, na siyang nag-atas sa kanya na bumuo ng mga dokumento para sa search warrant laban kay Aquino.
“Two options ang ibinigay sa akin. It’s either to apply for search warrant or i-ambush na lang si Mayor Aquino,” diin nito.
Hindi nag-materialize ang search warrant dahil inilipat na si Torre sa ibang pwesto noong January 2019.
Bago ang pagdinig sa Senado, personal nating nakausap sina NBI Director Eric Distor at Atty. Tony Pagatpat, NBI-Deputy Director for Regional Office Service (DDROS). Kapwa nila sinabi sa atin na matibay ang hawak nilang ebidensiya upang pabulaanan ang naunang pahayag ng pulisya na ‘shootout’ ang naganap na pagpatay sa grupo ni Mayor Aquino.
Anila, marami silang testimonyang nakuha na nagpapatunay na sadyang tinambangan si Mayor Aquino ng mga suspect.
Kahit si NBI acting regional 8 chief Gerry Abierra ay nagkumpirma sa atin na isang ‘survivor’ sa naganap na krimen ang desidido ring patunayan sa hukuman na sila ay tinambangan at hindi totoong nagkaroon ng ‘misencounter.’
“Multiple gunshot wounds ang tama ng witness natin, pero masuwerte at nabuhay,” ani Pagatpat sa ‘UNCOVERED.’
Para kay Distor, hindi sila titigil hangga’t hindi natutukoy ang tunay na utak ng pananambang, ngunit sinisiguro nito na matutuluyan sa kaso ang mga akusadong pulis.
Muli tayong napahanga sa ginawang ito ng NBI.
Sa tulong ng mga magagaling at matatapang na imbestigador ng NBI, ‘consistent’ ang liderato nina Distor at Pagatpat na magawa nila ng tama ang kanilang tungkulin sa bayan – kahit masagasaan pa ang ilang matataas na opisyal sa pulisya.
Mula pa noon ay hindi na tayo nagdududa sa kredibilidad ng NBI sa pamumuno ni Distor dahil wala itong sinasayang na sandali mabigyang linaw at katarungan lamang ang mga malalaki’t kontrobersiyal na krimen na nangyayari sa bansa.
Lalo na ngayong nalalapit ang Halalan 2022, sigurado ay tataas pang muli ang insidente ng ‘politically motivated’ na krimen.
Sa panig ng PNP, lalo na sa kaibigan nating si PNP chief Gen. Guillor Eleazar, malaking hamon ito para sa tinatawag niyang ‘internal cleansing’ sa kanyang pamunuan.
Hindi lamang mga bulok na pulis ang dapat niyang kalusin ngayon, kundi pati na rin ang mga kriminal na pulis na nagpapabayad ng kanilang uniporme para lamang magamit ng ilang sakim na pulitiko, lalo na iyong mga naka-assign sa probinsiya.
Dapat, ngayon pa lang ay iniisa-isa na rin ng PNP – katuwang ang Intelligence Community – na mabuwag nang tuluyan ang ‘private armies’ ng mga pulitiko upang hindi mabahiran ng karahasan ang inaabangang eleksiyon sa darating na taon.
Umaasa tayong patuloy na maging maayos relasyon ng NBI at PNP dahil kung gaano kagaling at husay ni Gen. Eleazar, gayundin ang tapang, talino, malasakit at dedikasyon sa trabaho ng Idol nating NBI director na si Eric Distor at kanyang mga kasamahan.