
Kelot nag-iingat ng hindi lisensiyadong baril, timbog
BILANG bahagi ng programang S.A.F.E. (“Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions”) ng NCRPO, tuloy-tuloy na isinagawa ng pulisya ang pagtugis sa mga taong sangkot sa iba’t-ibang uri na krimen na nagresulta sa pagkakadakip sa isang lalaking nag-iingat ng hindi lisensiyadong baril, Biyernes ng gabi sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, ang nadakip na suspek ay isang welder na nakumpiskahan ng isang kalibre .38 revolver na may lamang limang bala sa loob ng kanyang tirahan sa Camarin Residence, Barangay 175 Camarin dakong alas-11:40 ng gabi.
Sa kanyang ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo, sinabi ni Lacuesta na hinalughog ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 11, sa pangunguna ni P/Maj. Al Geronimo Catalan, ang bahay ng suspek sa bisa ng inilabas na search warrant ni Judge Glenda Cabello-Marin ng Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 124 matapos magpositibo ang impormasyong kanilang nakalap hinggil sa pag-iingat niya ng ilegal na armas.
Ayon kay Lacuesta, naging mapayapa, legal at maayos ang isinagawang pagsisilbi ng search warrant ng pulisya dahil bukod sa kanilang suot na body camera at recording device, sinaksihan pa mismo ng maybahay ng suspek, mga opisyal ng barangay at media representative ang paghahalughog hanggang matunton ang kinalalagyan ng baril.
Nagpaabot naman ng papuri si Estomo kay Lacuesta at sa mga tauhan ng Sub-Station 11 sa matagumpay na pagkakakumpiska sa hindi lisensiyadong armas at sa pagkakadakip sa suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA (Republic Act) 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act.