
Direk Mac, malaking tulong kay Angeli
Isa si Angeli Khang sa sexy actresses ngayon na nakikitaan namin ng husay sa pag-arte.
Sa bawat proyektong ginagawa niya ay patuloy siyang mas nahahasa tulad na lamang ng latest film niyang Selina’s Gold na napapanood ngayon sa Vivamax.
Ang Selina’s Gold ay pangatlong pagsasama nina Angeli at Direk Mac Alejandre.
Una silang nagkatrabaho sa Silip sa Apoy at naging no. 1 ito sa Top 10 movies ng Vivamax, earning her the title “Vivamax Queen.”
Ayon kay Angeli, malaki ang utang na loob niya kay Direk Mac kaya naman kapag ito ang kanyang direktor ay ibinibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya.
“I started sa kanya. After ng Silip sa Apoy, I can say na du’n talaga mas nag-prosper ‘yung mga blessing na nabibigay sa akin. At una pa lang, si direk na ang nakapansin na nangungusap ang mga mata ko.
“Du’n niya mas hinasa ‘yung pangungusap ko not only by talking but also by acting,” pahayag ni Angeli sa mediacon/screening ng Selina’s Gold.
Malaking tulong daw talaga sa kanyang pag-arte si Direk Mac dahil lagi silang winu-workshop nito sa tuwing may malaking eksena.
“’Pag mayroong scene na medyo mabigat or something na alam niyang hindi ko pa nararamdaman or nai-experience, kinukuwento ni direk ‘yung mga experience niya sa life,” aniya.
Ito raw ay para makakuha siya ng motivation.
Ayon pa kay Angeli, in the future ay patuloy pa niyang hahasain ang sarili sa pag-arte at nang sa gayun ay hindi magsawa ang mga manonood at hindi masabing paghuhubad lang ang alam niyang gawin.