Default Thumbnail

Tugon at Aksyon: Bagyong Paeng at Hamon ng Climate Change

November 2, 2022 People's Tonight 4155 views

RobinLUBOS ang pagdadalamhati ng mga Pilipino ngayong Undas.

Hindi pa man kasi tayo tuluyang nakapaghahanda sa nakagawiang taunang tahimik na pag-alala sa ating mga namayapang mahal sa buhay, bumungad na sa atin ang hagupit ng Bagyong Paeng.

Binaha ang karamihang bahagi ng bansa noong Biyernes at tinagpas ang lahat ng rehiyon — simula sa Mindanao, Visayas at Luzon.

Kabilang sa pinakamatinding tinamaan ng malakas na pag-ulan ay ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan marami ang binawain ng buhay dahil sa bugso ng baha at pagguho ng lupa. Nakalulungkot isipin na maraming bayan sa Mindanao na noo’y ligtas sa pagbaha ay pinalubog ng Bagyong Paeng.

Bagama’t tiyak natin na binubuhusan ng gobyerno ng pansin ang pagtugon sa sakuna, batid ko po na mas mabigat ang hamon ng tila paulit-ulit at mas lumalalang dagok ng kalamidad sa bansa.

Sariwa pa sa atin ang pahirap ng bagyong Odette sa bansa noong 2021. Personal po ang aking karanasan dito: Pasko at Bagong Taon ang aking ipinagdiwang sa piling ng mga nasalanta nating kababayan sa Southern Leyte kasabay ng pagpapahatid ng ating relief operations sa buong probinsya.

Nakalulungkot at nakagagalit na mayroon pang mga pamilyang Pilipino ang kailangang dumanas ng kapareho, kung hindi man mas matinding sakuna.

Kabalintunaan nga kung iisipin na ang Pilipinas, sa kabila ng nag-uumapaw na likas na yaman, ay ika-apat sa 180 bansang pinakaapektado ng matinding lagay ng panahon sa nakalipas na dalawang dekada base sa ulat ng Global Climate Risk Index 2020. Kabi-kabila ang kalamidad sa bansa at average na 20 bagyo bawat taon ang pahirap na ating tinitiis.

Ang Climate Change Physical Risk Exposure Heatmap rankings ng Fitch noong 2021 ay nag-ulat din na ang Pilipinas ang pangalawa sa pinaka-nakalantad sa panganib ng mga bagyo, kasunod ng Japan.

Bukod sa pangamba sa buhay ng mga Pilipino, masaklap rin ang hagupit sa ating ekonomiya ng kalamidad. Tiyak na mawawalan tayo ng humigit-kumulang P500 bilyon sa susunod na 10 taon dahil sa ating kahinaan sa pagbabago ng klima ayon mismo sa Kagawaran ng Pananalapi.

Ganito ang epekto ng climate change sa buhay at kabuhayan ng ating mga mamamayan.

Kung walang kagyat at konkretong aksyon, ang ganitong estado ang magiging bagong pamantayan o new normal sa bansa. Ang pinakamahirap sa lahat, ang ating mga kababayan na ang kabuhayan ay nakasalalay sa agrikultura ang higit na magdurusa.

Kaya naman suportado natin ang isinusulong na panukalang batas o Senate Bill 188 ni Senator Bong Go na layong bumuo ng isang highly-specialized na ahensya na tatawaging Department of Disaster Resilience.

Ang mandato ng ahensya ay tutuon sa mga epekto ng mga natural na kalamidad at climate change at titiyak sa kaligtasan at seguridad ng ating mga komunidad. Sa sandaling maipasa ang batas, magkaroon ng kinakailangang kapangyarihan kasama na ang teknikal na kadalubhasaan at suporta ng pamahalaan ang ahensya para sa komprehensibo at sustained o tuloy-tuloy na istratehiya sa tatlong aspeto: Disaster Risk Reduction, Disaster Preparedness and Response, at Recovery and Building Forward Better.

Samakatwid, mas higit na epektibo at pinag-isang paghahanda, tugon, at pamamahala sa anumang epekto ng kalamidad sa lahat ng bahagi ng bansa.

Pagtutuunan din natin ang mga programa at polisiyang tutugon sa banta at dagok ng climate change. Kailangan na nating kumawala sa mga pasilidad at bahay na hindi weather-resilient, pagtitiis ng ating mga kababayan sa disaster-prone areas, at patuloy na pagbabalewala sa polisiya ng land use at climate change sa bansa.

Bibigyang pansin rin natin ang tugon sa greenhouse gas emissions, ang kalagayan ng terrestrial at marine ecosystem at ang polusyon na kabilang sa mga problemang kinakaharap ng bansa na nakakaapekto sa paglago ng ating ekonomiya.

Insha’Allah, sa konkreto at mabilis na tugon ng gobyerno at taumbayan at wastong kalinangan ng likas na yaman para sa responsable at sustainable na pag-unlad– tuloy-tuloy ang ating pagbangon mula sa sakuna. Ang ating tunguhin: hindi na muling lulubog ang ating bayan sa kalamidad. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE