Default Thumbnail

Listahan ng mga nakarehistrong senior citizen, pinarerebisa ni Mayor Honey

October 16, 2022 Edd Reyes 277 views

BUNGA ng ulat na may mga senior citizen na matagal na pumanaw ang patuloy na nakakatanggap ng benepisyo sa Lungsod ng Maynila, iniutos ni Mayor Honey Lacuna-Pangan sa Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) na rebisahing mabuti ang listahan ng mga benepisyaryong tumatanggap ng benepisyo mula sa lokal na pamahalaan.

Bukod dito, may natanggap ding ulat ang alkalde na may ilang mga senior citizen ang nakakatanggap ng doble o tripling benepisyo dahil ineri-reshistro nilang muli ang kanilang pangalan sa barangay kung saan naninirahan ang kanilang anak, bukod sa kanilang naka-rehistro ng bahay para makatanggap ng doble-dobleng benepisyo.

Tiniyak naman ni OSCA Director Elinor Jacinto na rerebisahin nilang mabuti ang kanilang listahan upang matiyak na ang pondong inilaan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay mapupunta lamang sa mga kuwalipikadong benepisyaryo at hindi masayang lang sa mga pekeng tumatanggap ng doble o tripling benepisyo.

Magugunita na mismong si Mayor Lacuna-Pangan ang nagpaliwanag na dapat na personal na magtungo upang silang tumanggap ng kanilang allowance ang mga senior citizen kapag may pay out dahil kinakailangan ang kanilang lagda batay sa nakasaad sa ipinasang ordinansang lumikha sa pagkakaloob ng benepisyo kaya’t kung patay na ang benepisyaryo, hindi na nila matatanggap ang kanilang allowance at ibabalik na ang salapi sa kaban ng bayan.

Bukod sa P500 buwanang allowance, may pribilehiyo ring 20 porsiyentong diskuwento ang mga matatanda sa pagbili ng kanilang gamot at pangunahing pangangailangan sa lahat ng botika at groserya, libreng panonood ng sine tuwing araw ng Lunes at Martes at may ideni-deliver na cake sa kanilang bahay kapag sumapit ang kanilang kaarawan.

Sa kabila ng direktiba ni Mayor Lacuna-Pangan na rebisahin ang listahan ng mga senior citizen, iniutos din ng alkalde kay OSCA Director Jacinto na magtalaga ng mga tauhang magkakaloob ng tulong sa mga matatanda na hindi makakuha ng benepisyo dahil sa kakulangan ng mga kinakailangng dokumento.

“Tulungan naman po natin ang mga kuwalipikadong senior citizen na hindi makatanggap ng benepisyo dahil kulang ang kanilang requirments, Alam naman po natin ang kanilang kakulangan sa paggamit ng computer kaya kulang-kulang ang kanilang mga naisusumiteng dokumento,” utos ni Mayor Lacuna-Pangan sa OSCA.

AUTHOR PROFILE