
Atayde nakipag-sanib pwersa sa DSWD, Mayor Joy para sa mga nasunugan
NAKIPAG-SANIB pwersa si Quezon City District 1 (QCD1) Representative Arjo Atayde sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at kay Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pagtulong sa mga biktima ng katatapos lamang na sunog sa 224 Don Manuel, Barangay Balingasa.
Faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog na mabilis kumalat at tinupok ang mga tahanan ng halos 700 pamilya nuong Setyembre 8. At dahil minahal siya ng distrito uno dahil sa kanyang “Aksyon Agad” na adbokasiya, kaagad na rumesponde si Atayde upang alamin ang kung gaano kalaki ang pinsalang idinulot ng sunog at upang bigyan ng tulong ang daan-daang pamilyang apektado.
At sa kauna-unahang pagkakataon sa distrito, kaagad na nagbigay ng tulong ang DSWD noong Setyembre 9.
“Isang tawag lamang kay DSWD Secretary Erwin Tulfo at kaagad silang tumulong,” sabi ni Atayde. “Action man ang pinili ni President Bongbong Marcos na maging pinuno ng DSWD at kami sa QCD1 ay lubos na nagpapasalamat sa kanyang mabilis na pagtugon.”
Nagbigay ang DSWD ng P5,000 cash assistance at relief boxes sa bawat pamilya habang patuloy naman si Atayde sa pagbigay sa kanila ng regular na rasyon ng drinking water.
Patuloy ang relief at rehabilitation efforts habang nakikipag-ugnayan si Atayde kay Mayor Belmonte para sa sustainable at mabilis na pag-rebuild ng mga nasunog na bahay. Naghahanda din si Atayde para sa distribusyon ng panibagong essentials gaya ng pagkain, tubig, at gamot para sa bawat pamilya.