Default Thumbnail

Media Welfare Act pinatay sa Senado!

June 13, 2022 Paul M. Gutierrez 345 views

ISANG malaking tagumpay sana para sa kapakanan ng mga taga-midya ang Media Welfare Act o House Bill 8140 ni ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran pero hindi ito naipasa ng Senado.

Nakakalungkot, nakakapanghihinayang at sa isang banda ay nakakagalit na hindi po ito naging “mahalaga” sa ilang miyembro ng Senado, partikular kay Committee on Labor chair, Sen. Joel ‘Tesdaman’ Villanueva.

Bagamat nagpapasalamat tayo kay Senate President Vicente Sotto III na siyang nag-sponsor ng Senate version nito na Senate Bill 1820 at kay Sen. Bong Revilla, Chairman ng Committee on Public Information and Mass Media, mukhang nakatulog o pinatulog hanggang sa mamatay sa Labor, Employment and Human Resources Development Committee ng Senado ni Sen. Villanueva.

Sa unang pagkakataon kasi, nagkaroon po ng pag-asa ang mga taga-midya na magkaroon ng batas na tunay na mangangalaga sa kanilang kapakanan at karapatan bilang mga propesyunal na may mahalagang papel sa pang-araw-araw na buhay ng bawat mamamayan at sa demokrasya ng bansa.

Kahit na walang sino man ang magsasabi na hindi mahalaga ang papel ng mga taga-midya ay nagawang balewalin ng Senado ang pag-asang ito.

Ang daming panahon para maipasa ito sa Senado pero ano pong nangyari Senator Joel Villanueva? Bakit “next time” na lang ang naging sagot mo? Dahil ba kapitalista ka ring may-ari ng mass media? “Bumabangga” ba sa interes ng mga kapitalista sa midya, katulad ng inyong pamilya, ang “dagdag-gastos” upang maibsan ang kawawang kalagayan ng mass media sa ‘Pinas?

At sayang naman, nare-elect ka pa, hehehe, ayy, huhuhu, ehek, joke lang, hahaha!

May karapatan po kaming malaman kung bakit hindi ito naging prayoridad ng inyong Komite. Ano pong mayroon?

Nagmamay-ari po ba kasi kayo, ang pamilya ninyo ng media o isa kayong media owner kaya sagasa ito sa negosyo ninyo? Nagtatanong lang po kami.

Dahil kung naging prayoridad ito, matagal na pong naipasa ito at napirmahan na sana noon pa man ni Presidente Duterte.

Dahil sa totoo lang po ang nilalaman ng Media Welfare Act ay pagpapataas ng kalidad ng pamumuhay ng mga nasa media. Pagkakaroon nila ng makataong sahod, karagdagang benepisyo lalo nasa mga nagko-cover sa mga delikadong lugar at sitwasyon, at insurance.

Hindi po yan tungkol sa pera dahil hindi po mapapalitan ng pera ang buhay ng mga mamamahayag na nagsasakripisyo makapaghatid lamang ng balita. Ito lang po sana ang inaasahan nila at ng kanilang pamilya kung sakaling may mangyari sa kanilang hindi maganda.

Isa pa kung magkakaroon ng sapat na sahod at benepisyo ang mga taga-midya ay mas mailalayo sila sa tukso na magpagamit sa mga politiko at nasa kapangyarihan kapalit ng pera.

Ang batas na ito ay hindi lang sana magpapabuti sa pinansyal na pangangailangan ng taga-midya kundi magpapabuti rin sa propesyon ng media.

Nakakalungkot dahil napakatagal na iginapang at inilaban iyan. Katuwang po ni ACT-CIS Partylist Rep. Taduran ang opisina ni Presidential Task Force on Media Security Usec. Joel Egco at siyempre, ang National Press Club.

Buo po sana ang pag-asa natin dahil talaga pong suportado ito sa Kongreso. Maging ang Makabayan Bloc hindi kumontra sa batas na ito dahil ito ay totoong para sa kapakanan ng mga mamamahayag.

Pero pagdating po sa Komite ni Senator Villanueva namatay ang lahat ng ating pag-asa. Ang “husay” mo, Sen. Joel!

Sa totoo lang po mabibilang lang sa kamay ang mga nasa Kongreso at Senado na totoong may malasakit sa media at hindi po kayo kasama doon Senator Villanueva, whether you like it, or not, aguy! Samanatala, muli tayong nagpapasalamat kay Senator Bong Revilla sa pagkakapasa ng National Press Freedom Day na itinaon po natin sa Augusto 30, araw ng kapanganakan ni Gat. Marcelo H. Del Pilar.

Kahit po sa ganitong mga batas nararamdaman po namin ang pagpapahalaga sa propesyon ng midya na may malaking papel at ambag sa buhay ng mga mamamayan at lipunan.

Sa ngayon wala tayong magagawa kundi maghintay para sa susunod na Kongreso na maipasa muli ang MWWA at sana ay huwag mapunta muli sa Komite ni Senator Villanueva sa Senado dahil tiyak na mapupunta na naman ito sa wala.

Sa sinuman pong muling maghahain ng batas na ito ay asahan po ninyo ang buong suporta ng NPC para maging ganap na batas na ito.

Sa ngayon, nagpapasalamat po tayo sa mga tumulong at walang sawang sumuporta dito at saludo pa rin at mataas na pagrespeto kay ACT-CIS Rep. Taduran, na siyempre ay “proud member” ng NPC!

Ginawa natin ang lahat pero talagang may mga pagkakataon na wala sa ating kontrol at kapangyarihan. Ang mahalaga alam na natin ngayon kung “sino” ang totoong nagmamalasakit at nagpapahalaga sa midya.

Oops! Huwag nating isama si Sen. Joel sa kakarampot na bilang na yan, mga kapatid sa hanapbuhay, hane?

Abangan!

AUTHOR PROFILE