
Bong Go: Duterte bilang anti-drug czar ng next admin, malaking tulong
BINIGYANG-DIIN ni Senator Christopher “Bong” Go ang pangangailangang ipagpatuloy ang paglaban ng gobyerno laban sa iligal na droga kasabay ng pagbanggit niya sa mga natamo ng administrasyong Duterte sa ngayon upang matugunan ang problema.
Binigyang-diin ng senador na kung magpapatuloy ang paglaban sa iligal na droga, maaari ring matugunan ang iba pang isyu gaya ng kriminalidad at korapsyon.
“Kapag nako-contain mo ‘yung illegal drugs, kasama na diyan ‘yung criminality at ‘yung korapsyon. ‘Pag lumala ‘yung drugs, babalik ‘yung criminality, babalik ‘yung korapsyon kasi makokorap na po ‘yung tao,” sabi Go matapos siyang magsagawa ng monitoring visit sa Malasakit Center at turnover ng tseke sa Davao del Sur Provincial Ospital sa Digos City.
Binigyang-diin din ni Go ang pangako ni Duterte na labanan ang iligal na droga sa kabuuan ng kanyang termino bilang pangulo at maging noong siya ay alkalde pa ng Davao City.
“Malaki po ang maiaambag ni Pangulo, hindi ko lang po masasagot kung tatanggapin niya as drug czar or adviser o consultant,” ani Go.
“Ngunit, based on experience, as Mayor pa noon hanggang naging Presidente, kabisado na niya ang trabaho – itong labanan ang iligal na droga. Malaki po ang maiaambag ni Pangulong Duterte dito sa kampanya laban sa iligal na droga,” idinagdag ni Go.
Nauna rito, sinabi noong Huwebes ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na bukas siya sa pagtatalaga kay Duterte bilang anti-drugs czar ng gobyerno, ngunit hindi pa niya iniaalok ang posisyon sa kanyang hinalinhan.
Samantala, sinabi ni acting deputy Presidential Spokesperson Michel Kristian Ablan na walang nakikitang problema ang Palasyo sa pamumuno ni Pangulong Duterte sa anti-narcotics campaign.
Gayunpaman, ang pinal na desisyon, aniya ay gagawin ni Duterte, na nagpahayag na balak nang magretiro sa pulitika pagkatapos ng kanyang pagkapangulo.
Sa isang talumpati, sinabi ni Duterte na patuloy siyang gaganap ng kritikal na papel sa giyera laban sa iligal na droga kahit matapos ang kanyang termino upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa. Hinimok din niya si Marcos na pangalagaan ang mga kabataan ng bansa sa banta ng iligal na droga.
Ayon sa ulat ng Real Numbers ng Philippine Drug Enforcement Agency noong Marso 2022, may kabuuang 14,888 high-value target ang nakuha mula nang magsimula ang drug war noong Hulyo 2016. Nasamsam din ng mga awtoridad ang iligal na droga na nagkakahalagang P88.83 bilyon sa buong bansa, kabilang ang P76.17 bilyong shabu.
Ayon kay Go, ang pagpapangalan kay Duterte bilang drug czar ay malaking tulong para sa papasok na administrasyon, dahil sa karanasan at tagumpay ng Pangulo sa paglaban sa iligal na droga.
“Kung ako po ang susunod na administrasyon, malaking bagay po ‘yon na kukunin ang opinyon o tulong ng magiging dating Presidente Rodrigo Duterte sa kampanya laban sa iligal na droga,” sabi ni Go.
“Tingnan niyo po ngayon, nakakalakad na ang ating mga anak na safe at hindi nababastos. Dati takot ang tao sa mga durugista, ngayon ang durugista ang dapat matakot,” ayon sa senador.