
NHA People’s Caravan hatid ay tuloy-tuloy na serbisyo
TULOY-tuloy na serbisyo ang hatid ng National Housing Authority (NHA) sa pag-arangkada ng People’s Caravan: “Serbisyong Dala ay Pag-asa” sa Zamboanga at Bulacan kung saan nakinabang ang mahigit 6,000 na benepisyaryo.
Nakasama ang mahigit na 5,000 mga Zamboangueños si NHA General Manager Joeben Tai, katuwang ang ilang kawani ng ahensya mula sa Region IX & BARMM Office at Community Support Services Department (CCSD), sa dalawang araw na People’s Caravan na ginanap sa Brgy. Ayala at Recodo noong Abril 10 at 11.
Kumatawan naman para kay GM Tai si NHA Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, kasama ang mga opisyales mula sa NHA Bulacan District Office, NHA Region III Office, NHA CCSD, para sa People’s Caravan na kasalukuyang ginaganap sa Brgy. Poblacion, San Jose del Monte, Bulacan.
Nagalak si GM Tai sa mainit na pagtanggap ng mga benepisyaryo ng pabahay sa NHA at sa mga partner-agencies nito.
“Kami sa NHA lubos na natutuwa sa buong suporta ng ating pamahalaan sa pakikipagtulungan sa NHA–maging sa programang pabahay at sa iba pang gawaing pang-komunidad,” sabi ng opisyal.
Ibinalita ni GM Tai ang mga good news ng NHA tulad ng pagpapatupad ng Condonation 7 o ang pagsasawalang-bisa ng 100% penalty at interest sa mga kwalipikadong housing accounts ng ahensya sa darating na Mayo na tatakbo ng anim na buwan; ang napipintong pagbebenta ng ahensya ng mga bigas na pepresyuhan ng P33 kada kilo para sa mga benepisyaryo ng housing projects nito na isasabisa ng isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng NHA at ng Department of Agriculture-Food Terminal Incorporated (DA-FTI); at ang paglalagay pa ng higit na KADIWA stores upang matugunan ang suliranin ng food security sa mga resettlement sites.
Pinasalamatan din ni GM Tai ang mga partner-agencies ng NHA na patuloy na nagiging kabalikat ng ahensya sa pagbibigay at paghahandog ng iba’t-ibang serbisyo at produkto.
Naghandog din ng medical at dental mission with blood typing at blood sugar checking, free haircut at circumcision at maging ang libreng family planning at HIV counselling na handog ng Philippine Red Cross (PRC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Commission on Population and Development (POPCOM), Pilipinas Shell Foundation, Inc.
Hindi rin pinalagpas ng mga benepisyaryo ang pagkakataon na kumita, magnegosyo at magkatrabaho dahil nagkaroon ng job fair ang Public Employment Service Office (PESO)-Department of Labor and Employment (DOLE), maging skills training development na handog ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at business registration ng Department of Trade and Industry (DTI).
“Sa ilalim po ng aking pamunuan, tinitiyak po namin sa NHA ang de-kalidad, ligtas, komportable at abot-kayang pabahay, pursigido po kami na bumuo ng mga progresibong komunidad sa ilalim ng ating programang Build Better More Housing tungo sa hangarin ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na isang Bagong Pilipinas,” sabi ni GM Tai.
Ayon sa NHA, aabot na sa 10,000 Pilipino mula sa iba’t-ibang resettlement sites ang naserbisyohan ng People’s Caravan buhat ng inilunsad ito noong Setyembre 2023.