
Seth handang gumawa ng projects na wala si Francine
SA ginanap na unang Star Magic Spotlight presscon sa Coffee Project, Wil Tower, Quezon City, ibinahagi ni Seth Fedelin ang kanyang naramdaman matapos manalo ng Breakthrough Performance award para sa pagganap niya bilang si Lex sa My Future You, isang entry sa 50th Metro Manila Film Festival at isa sa mga huling pelikulang approved ng yumaong Regal Films matriarch, si Lily Monteverde.
Ani Seth, “Yung award na ‘yun, hindi ko talaga siya inexpect. Hindi ako makapaniwala. Late reaction, siguro nung pag-uwi ko, saka ko naramdaman, saka ko hinawakan ‘yung trophy. Ganito pala ‘yung pakiramdam na mapansin ‘yung ginawa mo. Napansin ‘yung talento mo.”
Ang My Future You ang big-screen debut ng FranSeth na nagpatibay sa kanilang status ng kanilang love team.
“Bago dumating ang My Future You, lagi na kami magkausap ni Francine kung anong gagawin namin. Kung anong susunod na proyektong gagawin namin… Hindi kami nawawalan ng pag-asa ni Francine. Talagang naghintay kami hanggang dumating ang My Future You,” kwento ni Seth,
“Tapos habang shinoshoot namin ito (My Future You), sinabi talaga namin na dito tayo makikita ng tao…” dagdag pa niya.
Bukod sa pagkapanalo ng Breakthrough Performance award, nagkaroon din si Seth ng nomination para sa Best Actor Award.
Ngayong 2025, aabangan si Seth at Francine sa upcoming series na ‘Nobody’ kasama si Gerald Anderson. Ito ang fourth onscreen collaboration ng dalawa, kasunod ng Dirty Linen, Fractured, at My Future You.
Nang tanungin kung open ba si Seth tumanggap ng solo projects na hindi kasama si Francine, bahagi niya, “Lagi namin itong pinag-uusapan ni Francine na at the end of the day, si Francine pumasok siya as Francine. Pumasok siya sa ABS-CBN, nagtrabaho siya ng una as Francine. Ako rin naman po as Seth. Masasabi ko na si Francine ay napaka supportive sa akin. 100% siya ang nagboboost ng pagiging ako, ng pagiging aktor ko… Ngayong natapos namin ang My Future You, kung okay kami na tumanggap (solo projects), masasabi ko na yes, suportado namin ang isa’t isa.”
Ang MMFF achievement ni Seth ay isang milestone para kaniya bilang isang aktor. Pinapatunayan nito na marami pa siyang kayang ipakita na range at depth pagdating sa acting. Ipinapakita rin nito ang promising na hinaharap para sa FranSeth.