
‘Otso-Otso’ bawal gamiting jingle ni Bayani
HINDI pala pwedeng gamitin ni Bayani Agbayani ang pinasikat niyang kanta na “Otso-Otso” bilang campaign jingle sa pagtakbo niya bilang party list candidate ngayong 2025 elections.
Sa pakikipagtsikahan sa entertainment media para sa season 5 ng Net25 sitcom na “Goodwill” nitong Martes, sinabi ng komedyante na 2nd nominee ng Tupad party list na pag-aari na ni Senador Bong Go ang “Otso-Otso” jingle.
“Hindi ko magamit. Nakay Kuya Bong Go, hahaha!” panimula ni Bayani. “Pero ano, niregalo ko rin sa kanya, ako ang gumawa. Kasi ang sasamahan ko ngayon si Benhur Abalos, kami ‘yung back to back, kasi siya ‘yung isa sa tumutulong din sa akin. Although si Kuya Bong, tumawag na rin sa’kin. Sabi ko, ‘Kuya Bong, pasensya ka na.’ Pero ginawa ko ‘yung kanta, boses ko, ‘andito pa nga sa akin. Sabi ko regalo ko po sa’yo ‘yan kasi hindi ka na namin makakalimutan dahil nga mahal na mahal ka namin ng pamilya ko.”
Dahil dito, gumawa na lang siya ng sariling campaign jingle na siya rin ang kumanta’t sumulat. Ipinarinig pa niya ito sa press at to be fair, catchy at malakas din naman ang recall ng song.
Nang tanungin kung talaga bang handa na siyang sumabak sa mas magulong mundo ng pulitika, aniya, sa edad na 55, it’s about time na hindi na lang pagpapatawa ang isukli niya sa mga taong tumangkilik sa kanya para marating ang kinalalagyan niya ngayon.
“Ang katwiran ko, may mga bagay na kontrolado ka, may mga bagay na hindi. ’Yung magulo, hindi mo na kayang kontrolin ‘yon. Ang kaya mong panghawakan, ‘yung sarili mo. So ‘yung mundo mo, iikot mo na lang sa sarili mo kasi hindi mo kayang baguhin ang bawat tao, lalo na sa politics. Hindi mo pwedeng sabihin na ‘dapat ito gawin natin.’ Hindi. Dapat ‘ito ang gagawin ko.’ So sisimulan ko, kung ako lang magsimula at ako magtapos, wala na akong magagawa. Ang mahalaga, mismong ako, sa sarili ko, tumutulong ako sa tao. ‘Yung mga perang ibinabayad nila sa tax, eh, ibinabalik ko sa kanila. Kung ‘yung mga nasa paligid ko, eh, hindi nila gawin ‘yon, wala na akong kontrol du’n. At least, ako na lang,” paliwanag niya.
Halos ganito rin ang stand niya pagdating sa mga basher ng mga artistang kumakandidato.
Pahayag ni Bayani, “Hindi ko na rin… kasi alam mo, kapag pinaikot mo ang buhay mo sa sasabihin ng ibang tao, wala kang pupuntahan. Kasi ang nakakakilala ng bawat sarili, eh, ‘yung mismong ikaw, ’yung sarili. Kahit ano pang sabihin nila sa ‘yo, kung alam mo naman at kilala mo kung sino ka, ‘yun ang dapat mong panghawakan.”
Sakaling palarin na makapasok sa Kongreso ang Tupad party list, plano ng komedyante na mag-aral ng Law bilang tapos din naman siya ng kursong Mass Communication sa kolehiyo.
“Kaya ko naman ‘yon kasi scholar ako mula elementary,” pagmamalaki niya.
Incidentally, ayon kay Bayani, isa ang edukasyon sa mga isinusulong ng kanilang party list group bukod pa sa pagbibigay ng trabaho at kabuhayan sa mga kababayan.
Gaya niya, tumatakbo nga rin pala ngayong halalan 2025 ang “Goodwill” co-stars niya na sina Raymond Bagatsing (mayor ng Maynila) at David Chua (councilor, district 2 ng Tondo).
Ang “Goodwill” season 5 ay napapanood sa Net25 tuwing Linggo, pagkatapos ng “Korina Interviews.”