BINI5

BINI members sinurpresa ang Blooms sa advance screening ng docu series

September 24, 2024 Ian F. Fariñas 317 views

SINURPRESA ng BINI members na sina Colet, Maloi, Mikha at Jhoanna ang press at fans na dumalo sa 4 p.m. advance screening ng part one ng “Born to Win” docu series sa Gateway Cineplex nitong Lunes.

Dumagundong ang red carpet nang lumitaw ang apat sa walong BINI members na rumampa nu’ng hapong iyon.

Dinumog nga ng Blooms ang okasyon kaya kinailangang mag-schedule ng ilang screenings para ma-accommodate ang lahat sa loob ng sinehan.

Anyway, naging emosyonal nga sina Colet, Maloi, Mikha at Jhoanna matapos mapanood ang first of three parts ng docu series na nagbalik-tanaw sa hirap na pinagdaanan ng tinaguriang Nation’s Girl Group na kinabibilangan din nina Aiah, Gwen, Stacey at Sheena.

Mapapanood doon ang mga limitasyong hinarap nila sa auditions, sa gitna ng pandemya, pati na ang matinding training sa ilalim ng Korean coaches at ang matagumpay na “BINIVerse” debut concert.

Ang award-winning director na si Jet Leyco ang nasa likod ng BINI docu series kasama ang beteranong broadcast journalist na si Jeff Canoy.

Magsisimula nang mapanood nang libre at on-demand ang “BINI Chapter 1: Born to Win” sa iWantTFC sa Huwebes, September 26.

AUTHOR PROFILE