Default Thumbnail

Taxi driver dinedo sa harap ng pasahero

August 31, 2021 Melnie Ragasa-limena 407 views

PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang isang taxi driver sa harap mismo ng kaniyang pasahero sa Barangay Payatas, Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Ricarthy Danago, 47, residente ng B7 Lot 30, Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Rodriguez Rizal.

Pinaghahanap naman ang nakatakas na mga suspek.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-11:00 ng gabi (August 30), nang maganap ang insidente sa Payatas Road, Brgy. Payatas, Quezon City

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Bienvenido Ribaya III ng CIDU, sakay ng minamanehong taxi ay binabaybay umano ng biktima at ng pasahero nitong nakilalang Derlyn ang kahabaan ng Payatas Road nang dikitan ng dalawang kalalakihan na sakay ng isang motorsiklo.

Ayon sa babaeng pasahero, laking gulat niya nang biglang bumunot ng baril ang isa sa mga suspek na kinalaunan ay nakilalang si Umambak at pinaputukan ang taxi driver na tinamaan sa tiyan Nang makitang duguan nang nakabulagta ang biktima ay agad na tumakas ang mga suspek.

Humingi nang saklolo ang pasahero at naisugod pa sa FEU Dr. Nicanor Reyes Medical Foundation sa Dalia St., Fairview, ang biktima pero binawian din ito ng buhay, ayon kay Dr. Mon Francisco.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril habang tinutugis pa ang mga salarin.