Melai

Melai game i-remake ang ‘Ang Tanging Ina’

June 25, 2024 Ian F. Fariñas 418 views

WALANG problema sa Kapamilya TV host-comedienne na si Melai Cantiveros kung alukin man siya ng Star Cinema bosses na magbida sa remake ng blockbuster movie na Ang Tanging Ina.

Matatandaang pinagbidahan noon ng Comedy Queen na si Ai-Ai de las Alas ang naturang pelikula taong 2003 sa ilalim ng direksyon ng yumaong filmmaker na si Wenn Deramas.

Dahil sa malaking tagumpay nito, nagkaroon pa ito ng part 2 (Ang Tanging Ina N’yong Lahat, 2008) at part 3, Ang Tanging Ina Mo Last na ‘To! (2010).

Sa presscon kahapon ng bagong project ni Melai para sa Star Magic at ABS-CBN Studios, ang talk show na Kuan-On-One para sa mga kababayang Visaya, sinabi niyang game siya sa ideya.

Pero paglilinaw ng komedyana, ayaw niyang may ma-‘bypass’ na senior stars na sa tingin niya ay mas deserving kesa sa kanya.

Giit ni Melai, “Kung i-offer sa ‘kin, why not? Sobrang happy, pero hindi natin para i-bypass si Ms. Ai-Ai de las Alas kasi siya talaga ang ating Queen of Comedy.

“Ang dami na niyang napatunayan. Nandiyan pa sina Ate Pokey (Pokwang), sina Miss Eugene Domingo,” patuloy niya.

“Kaya kung i-kuan, why not, pero wala tayong mga hurt na mga tao,” sey pa niya.

Ang suggestion ng komedyana para iwas-intriga at tsismis, “Gawa na lang tayo ng sarili natin… Kuan Ng Ina, char! Char lang!”

Samantala, excited na siya sa pagbabahagi ng iba’t ibang kuwento tungkol sa Visayan culture sa Kuan-On-One na magsisimula na sa July 2.

Magiging special guest ni Melai sa first season ng show ang mga kapwa-Bisaya na sina Kim Chiu, Maymay Entrata, Sheryn Regis, Christian Bables, Jason Dy at ang dalawang BINI members na sina Aiah at Colet.

Aniya, “Maraming mga Bisaya na grateful kasi kaming mga Bisaya, hindi maiwasan na mag-self pity kasi malayo kami sa central. Pero ngayon nu’ng may ganito na show parang ‘let our voice be heard’ ganoon ang mga Bisaya, uy.”

Ayon pa sa TV host, isa pa sa mga layunin ng kanilang talk show ay ang maging tulay para sa pagkakaisa at pagkakaunawaan ng bawat rehiyon sa bansa.

“Sobrang importante lalo na sa amin para mawala na ‘yung mga separation ng mga Bisaya, mga Tagalog, para in one na tayo.

“Kasi marami na ring mga Bisaya, may mga radio station na nga rito na Bisaya dito sa Manila eh. Very important na maging isa tao at talagang nagmamahalan tayo,” sey ng komedyana.

“Tapos na-appreciate nila ang Kuan-On-One show at si Direk Lauren (Dyogi), sobrang na-appreciate nila ang ABS-CBN dahil nag-effort talaga gumawa ng show para sa mga taga-Visayas at Mindanao para mas lalo sila ma-inspire.

“Lalo na ‘yung mga OFW, sila talaga ang pinaka-happy talaga, para silang nakauwi sa Pilipinas para hindi na sila ma-sepanx sa kanilang family,” giit pa ni Melai.

Ang ilan pang celebrities na Bisaya na gustong makasama ni Melai sa bagong talk show ay sina KZ Tandingan, TJ Monterde, Ellen Adarna, Beauty Gonzalez, Maris Racal at marami pang iba.

Mapapanood na ang Kuan-On-One sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at iWantTFC simula July 2.

AUTHOR PROFILE