
Produksyon ng magsasaka, mangingisda tumaas
TUMAAS ang produksyon ng mga magsasaka at mangingisda sa unang bahagi ng 2024 sa kabila ng epekto ng El Niño at pagtaas ng presyo ng mga produktong pang-agrikultura.
Batay sa rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang produksyon sa agrikultura at pangingisda noong Enero hanggang Marso ng may 0.05 porsyento sa P428.99 bilyon dahil sa malakas na performance ng poultry subsector.
Ayon pa rin sa data, tumaas sa 5.9 porsyento sa unang quarter ang produksyon ng pagmamanukan sa P68.76 bilyon.
Ayon kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., naging instrumento ang modernization program na ipinatupad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa sektor ng pagsasaka at pangingisda.
Nakatulong ito sa pagbalanse sa pagbaba ng halaga ng mga pananim, isda at mga hayop na iprinoduce sa naturang quarter. Naitala ang pagtaas ng produksyon ng manok, itlog at bibe.
“Naging matatag ang sektor ng agrikultura sa kasaluyang panahon kesa noong nakaraan na meron tayong El Niño dahil na rin sa tulong na ibinibigay ng pamahalaan,” ani Tiu Laurel.
“Mapapansin ang malaking epekto ng kawalan ng ulan at ang mainit na temperatura sa produksyon ng lower crops at isda sa unang quarter.
Malaki ang paniwala namin na ang mga intervention na aming pinapatupad ngayon magreresulta ng mas magandang produksyon sa agrikultura sa pagitan ng buwan ng Abril at Hunyo kahit pa magpatuloy ang El Niño sa ikalawang quarter,” dagdag pa ni Tiu Laurel.