
Bumababa bilang ng mga pamilyang nagsasabing sila ay mahirap
SA Miyerkules ay Mayo 1, Labor Day, na. Ang ibig sabihin nito ay meron na lang walong buwan ang nalalabi bago matapos ang 2024.
Kung may mga kinakabahan na sa gobyerno, isa na siguro dito ang mga opisyal at empleyado ng revenue-generating agencies.
Lalo na ang Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), na parehong nasa ilalim ng Department of Finance (DOF).
Pero ang lalong kinakabahan ay itong mga taga-BOC na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ng Ilocos Norte.
Ang laki naman kasi ng revenue collection target sa taong ito. Isang trilyung piso ang assigned tax take nila.
Sa first quarter ng taon ay mahigit P219 bilyon pa lang ang nakokolekta ng ahensyang dating tinaguriang “graft-prone.”
Malaki pa ang bubunuin nila para maabot man lang ang target nilang P1 trilyun.
Ang problema pa ay baka mag-slow down ang mga importador dahil hindi naman natin alam kung ano ang mangyayari sa mga darating na buwan.
Kung lalala ang gusot sa West Phiippine Sea, giyera sa Ukraine at away ng Israel at Iran ay makakaapekto sa ating ekonomiya.
Kung apektado ang ating ekonomiya ay siguradong apektado rin ang negosyo ng mga importador.
Kapag humina ang importasyon ay babagsak rin ang makokolektang buwis, taripa at iba pang bayarin ng customs bureau.
Mabuti na lang at hindi tumitigil ang pamunuan ng BOC sa paghahanap ng paraan para lumaki-laki ang koleksyon ng ahensya.
Ang nakikita nating isang paraan para maabot ang target collection ng BOC ay dalasan ang public auction ng mga seized at abandoned shipments.
Puwede ba, Commissioner Rubio?
****
Bumababa raw ang bilang ng mga pamilyang nagsasabing sila ay mahirap, ayon sa isang survey na ginawa ng OCTA Research.
Ang ibig bang sabihin nito ay gumaganda na ang Pilipinas.
Gumaganda na nga siguro pero ang problema ay patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ang taas-baba ng presyo ng gasolina, krudo, kerosene at LPG ay sakit sa ulo ng mga consumer, lalo na ang mga mahihirap.
Sabagay wala sa kamay ng gobyerno ang pagtaas o pagbaba ng presyo ng produktong ito.
Ang mahalaga ay ginagawa ng gobyerno ang lahat para lang gumaan ang buhay ng Pinoy, lalo na ng mga mahihirap.
***
Umiinit na naman ang politika sa Pilipinas habang papalapit ang filing of certificates of candidacy (COC) para sa 2025 elections.
Okay lang ito dahil marami na namang politiko, lalo na ang local leaders, ang biglang nagiging “generous.”
Nagiging mababait, magagalang at matulungin na naman sila.
Kasi alam nilang parating na naman ang paghuhukom sa kanila.
Siyempre, kailangan nilang magpabango sa mga botante na hahatol sa kanila pagdating ng eleksyon sa Mayo 2025.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa 0917-8624484-email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)