
Sec. Loyzaga ipinag-utos pag-assess ng AUU areas
IPINAG-UTOS ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang agarang pag-assess sa mga tinatawag na Abandoned, Undeveloped, and Underutilized (AUU) areas na nakalaan para sa fishpond upang magamit ito sa pagbuhay sa mga mangroves.
Sa memorandum na inilabas ni Loyzaga, kabilang sa mga AUU areas na pinapasuri niya ay ang mga nasa Rehiyon V, VI, at IX.
Kabilang sa naturang kautusan ang pamamahagi ng data sa pagitan ng DENR Offices at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng Department of Agriculture (DA-BFAR), na naglalayon na buhayin ang mga mangrove na mahalagang proteksyon laban sa pagbaha at matinding sakuna na dulot ng paiba-ibang lagay ng panahon.
Ang naturang kautusan ni Loyzaga ay naaayon sa Presidential Directive No. 2023-296 para sa Review ng Areas with Fishpond Lease Agreements (FLA) na Abandoned, Unused, at Underdeveloped.
Inaasahan din na magbibigay ng rekomendasyon kay Loyzaga ang National Technical Working Group (NTWG), na siyang magsasagawa ng assessment, para sa administrative reversion na kung saan ibabalik ng DA-BFAR sa DENR and administrative control sa mga AUU fishpond areas sa ilalim ng Fishpond Lease Agreements.
Kabilang pa sa rekomendasyon ay ang biophysical reversion, isang proseso nang pagsasaayos ng mga nasirang component ng mga mangrove forest mula sa fishpond state hanggang sa mangrove state sa pamamagitan ng replanting, enrichment planting at assisted regeneration.
Inatasan naman ang mga DENR Regional Offices ng mga naturang rehiyon na ipatupad ang naturang kautusan ni Loyzaga sa pamamagitan ng kanilang DENR Regional Field Assessment Teams. Ang mga naturang team ay binubuo ng mga kawani mula sa kani-kanilang Conservation and Development Division, Survey and Mapping Division License, Patents and Deeds Division, Provincial Environment and Natural Resources (PENR) Office or Implementing PENR Office, at ang Community Environment and Natural Resources Office.
Kakalap ng mga data ang mga naturang team katulad ng topographic maps, fishpond maps, at mangrove maps mula sa DENR-National Mapping Resources Information Authority, Fishpond Suitability for Mangrove Rehabilitation, at Vulnerable Areas to Sea Level Rise at flooding maps mula sa DENR-Geospatial Database Office, at DA-BFAR data sa mga inisyu na FLAs na aktibo, nakansela o nag-expire na, terminated at AUU.
Kabilang pa sa mga aktibidad sa naturang assessment ay ang data consolidation, deskwork validations, at desktop mapping, upang malaman ng naturang team kung sinusunod ng mga FLA ang probisyon ng
Presidential Decree (PD) No. 1067 o ang Water Code of the Philippines and PD No. 1586 o kaya ang Philippine Environmental Impact Statement System.
Magsasagawa din ang grupo ng ground truthing at validation upang masuri ang estado ang mga tinukoy na lugar at ang existing land use kabilang ang pag-alam sa area profile at biophysical status ng mga ito.
Matapos ang isasagawang validation, susuriin din ng grupo ang mga nakolektang data pati na ang resulta ng maps at ground validation para makapaghanda ng report ang Regional TWG. Magsasagawa rin ang grupo ng konsultasyon mula sa mga concerned civil society organizations, academic institutions, lokal na pamahalaan.
Base sa kanilang magiging resulta, magrerekomenda ang RTWG ng mga lugar para sa administrative at biophysical reversion batay sa pre-identified set of criteria at ieendorso ito sa National TWG, na siyang susuri sa rekomendasyon at magsusumite kay Loyzaga para sa final approval.