
FB account na nag-upload ng sweet videos nila ni Darren, ipinare-report ni Cassy… relasyon kina Kyline at Jayda inamin ni Darren
Itinanggi ni Cassy Legaspi na siya ang nag-upload ng video clips ng sweet moments nila ni Darren Espanto sa kanyang Facebook account.
Napansin kasi ng netizens ang sunud-sunod na post ng sweet videos nina Darren at Cassy last Saturday sa FB account ng aktres.
Nagsimula silang magtaka at magtanong kung bakit ginagawa ito ng anak nina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi.
Ang ispekulasyon pa ng iba, marahil ay naloka si Cassy sa mga pahayag ni Darren na friends lang sila.
May verified check din kasi ang nasabing account kaya naniniwala ang netizens na kay Cassy nga ito.
Kaya naman nagbigay agad ng paglilinaw si Cassy at sinabing hindi siya ang nag-upload ng mga video dahil matagal nang na-hack ang account na ito.
“This Facebook account USED TO be mine, until I was hacked in 2021,” ang pahayag ni Cassy.
“So to clear things up, this account is currently IS HACKED and NOT HANDLED BY ME,” aniya.
Kasunod nito ay nakiusap si Cassy na i-report ang nasabing account.
“would like to ask for help to report this account, thank you all so much,” she wrote.
Gumawa na umano siya ng bagong account sa FB at ipinost pa niya ang link nito.
“Since may original Facebook Page was hacked, HAD to make a NEW FACEBOOK PAGE,” aniya.
Makikita pa rin ang original FB page ni Cassy na may 21 milion followers habang ang bago niyang account ay may 52,000 followers pa lang.
Samantala, inamin nga ni Darren na naging dyowa niya si Kyline Alcantara at ito ang dahilan kung bakit sila tinukso ni Vice Ganda nang mag-guest kamakailan sa It’s Showtime ang Kapuso actress.
Sa guesting ng Kapamilya singer sa show ni Boy Abunda, diretso siyang tinanong ng host kung naging sila ba ni Kyline.
“Hindi ko po masagot ng yes or no kasi it was, like a… parang puppy love kind of thing,” sagot ni Darren.
“But there was?” ang tanong ulit ni Kuya Boy.
“Opo, before, when were younger, in the past,” pagkumpirma ni Darren.
Kaya nga raw tinukso sila ni Vice.
“Kasi nga, naging kami dati. Kaya binibiro kami ni Ate Vice,” sambit ng singer.
Asked kung gaano katagal, he said, “Like a year, I think, a year and a half.”
Kaya very comfortable sila sa isa’t isa ni Kyline.
Sa tanong kung paano sila naghiwalay, inamin ni Darren na nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan ni Kyline.
“There was a misunderstanding, and then when we both matured, parang six years later, napag-usapan na namin and ayun po, eventually we became okay with each other again, naging friends na ulit,” he said.
Tanong ni Kuya Boy kung third party ang naging problema at sey ng singer, “Hindi naman po. Misunderstandings talaga, kasi siyempre, ‘pag mga bata, parang konting mga petty na away…”
Ang isa pang inamin ni Darren ay naging girlfriend din niya si Jayda Avanzado pero hindi na siya nagdetalye pa.
“Jayda and I are still friends and for me, it’s something we’d like to keep private, ‘yung mga things from the past,” he said.