Pertussis

2 BATA DEDO SA PERTUSSIS

March 22, 2024 Arlene Rivera 195 views

DALAWANG bata ang nasawi at hindi bababa sa 17 katao ang may pertussis o whooping cough sa ngayon sa Lungsod ng Pasig, matapos ang biglang pagdami ng bilang ng mga kaso sa bansa.

Ang pertussis ay highly contagious na respiratory infection na dulot ng bacterium pertussis. Ang taong may pertussis ay may ubo na tumatagal ng dalawang linggo o mahigit pa, may bahagyang lagnat at tumutulo ang sipon.

Ang pertussis ay mas nakahahawa sa loob ng tatlong linggo matapos lumitaw ang unang sintomas, gaya ng ubo at iba pang sintomas.

Ayon sa pamahalaang Lungsod ng Pasig, ito’y nakapagtala ng 25 suspected pertussis patients mula Enero hanggang Marso 2024.

Positibo sa sakit na ito ang 17 katao, may walong probable cases at may dalawang namatay na.

Marami sa mga kaso ay mga sanggol na wala pang dalawang buwan ang edad at ang mga hindi pa nabakunahan ng pertussis vaccine.

“Nagco-conduct na po ng response immunization sa barangays na may reported cases; apart from that, and we are also conducting mapping doon sa barangays na may reported cases para ma-intensify yung vaxx efforts,” ayon sa lokal na pamahalaan.

Tiniyak ng pamunuan ng lungsod na ang health centers nito ay may sapat na suplay ng pertussis vaccines pati ng post-exposure prophylaxis (PEP).

Noong Huwebes, ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ay nagdeklara ng pertussis outbreak matapos mamatay ang apat na sanggol.

AUTHOR PROFILE