Tolentino

Tol: Ibalik ang focus sa agricultural high schools

February 25, 2024 People's Tonight 851 views

HINIMOK ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang sektor ng edukasyon na ibalik ang pagtutok sa mga paaralang pang-agrikultura upang maisama ang mga kabataan sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at aquaculture.

Sa kanyang regular na programa sa DZRH, nakipag-usap si Senator Tolentino kay Department of Agriculture (DA) Undersecretary Asis Perez upang bigyang-diin ang kahalagahan ng muling pagtutok sa agricultural high schools sa Pilipinas.

“Sa education sector, ang isang dapat mabigyan ng pansin dito ay ang agricultural high schools kasi noong araw, napakaraming agricultural high schools,” ani Tolentino.

Sinabi ng senador na kung maibabalik ang focus sa agricultural high schools, pagsapit ng kolehiyo ng mga mag-aaral at magkakaroon ng interes ang kabataan na mag-aral ng agrikultura.

Binigyang-diin din ni Tolentino ang pangangailangang isama ang mga institusyong pang-kaalaman sa public-private partnerships na magta-transform sa triple helix model of innovation.

“Ang nakikita kong missing link ay ang partisipasyon ng mga unibersidad— mga knowledge institutions. Sa fisheries, agricultural schools, maging research, dapat kasama na ang lahat ng mga estudyante. Kung hindi, magkakaroon ng disconnect,” sabi ni Sen. Tol.

Sinang-ayunan ni Usec. Perez ang suhestyong ito ni Sen. Tolentino sa pagsasabing “Hindi lang po agriculture kundi pati fisheries at aquaculture dahil iyon ang source ng ating ulam. Ito po iyong ipu-pursue natin.”

AUTHOR PROFILE